Martes, Abril 16, 2019

MAGALAK AT MAGDIWANG

20 Abril 2019 (Sabado de Gloria) 
Ang Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay (K) 
Genesis 1, 1-2, 2 (o kaya: 1, 1. 26-31a)/Salmo 104 (o kaya: Salmo 32)/Genesis 22, 1-18 (o kaya: 22, 1-2. 9a. 10-13. 15-18)/Salmo 15/Exodo 14, 15-15, 1/Exodo 15/Isaias 54, 5-14/Salmo 29/Isaias 55, 1-11/Isaias 12/Baruc 3, 9-15. 32-4, 4/Salmo 18/Ezekiel 36, 16-17a. 18-28/Salmo 41 (o kaya: Salmo 50)/Roma 6, 3-11/Salmo 117/Lucas 24, 1-12 


"Bakit ninyo hinahanap ang buhay sa gitna ng mga patay? Wala na Siya rito - Siya'y muling nabuhay!" (24, 5-6) Ang mga salitang ito'y sinabi sa mga babaeng pumunta sa libingan ng Panginoong Hesus. Dalawang lalaking nagsuot ng nakakasilaw na damit ang nagsabi nito sa kanila. Ibinalita ng dalawang lalaking ito sa mga babaeng pumunta sa libingan na ang Panginoong Hesukristo ay muling nabuhay. Kagalakan ang hatid ng balitang ito. Iyon ang pinakamagandang balita - si Hesus ay muling nabuhay tulad ng Kanyang sinabi bago pumasok sa Herusalem upang harapin at tuparin ang Kanyang misyon bilang Mesiyas at Manunubos. Natupad ang lahat ng mga sinabi ni Kristo tungkol sa Kanyang sarili. Matapos tiisin at pagdaanan ang lahat ng hirap at pagdurusa hanggang sa Siya'y mamatay sa krus, nabuhay na mag-uli ang Panginoong Hesukristo. 

Hindi nagtapos sa kamatayan at libingan ang lahat para kay Hesus. Matapos pagdaanan at tiisin ang lahat ng hirap at pagdurusang kalakip ng Kanyang misyon bilang Mesiyas at Tagapagligtas, si Hesus ay muling nabuhay. Siya'y namatay sa krus, ngunit hindi nanatiling patay. Matapos ihandog ang sarili sa krus, si Hesus ay muling nabuhay. Mula sa kadiliman ng libingan, si Kristo Hesus ay bumangon at lumabas nang matagumpay. Ang kasalanan, kadiliman, at kamatayan ay Kanyang tinalo. Ang kapangyarihan ng Panginoong Hesus ay higit na makapangyarihan at dakila kaysa sa kapangyarihan ng kasalanan, kadiliman, at kamatayan. Pinatunayan ito ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. 

Ang balita tungkol sa Muling Pagkabuhay ni Hesus ang pinakamagandang balita sa lahat ng balita. Ang balitang ito ay naghahatid ng kagalakan sa lahat. Ang panahon para magluksa ay tapos na. Ang Panginoong Hesukristo ay nagtagumpay laban sa kapangyarihan ng kasalanan, kadiliman, at kamatayan. Hindi nanatiling patay sa loob ng libingan ang Panginoong Hesukristo tulad ng Kanyang ipinangako. Hindi Siya nagpatalo sa kapangyarihan ng kasalanan, kadiliman, at kamatayan. Bagkus, tinalo Niya ang kapangyarihan ng mga ito. At sa pamamagitan ng tagumpay na ito ni Hesus, napawi ang lumbay at luha. Ang hapis ay naging galak. 

Kaya, noong nabuhay na mag-uli ang Panginoong Hesus, Siya'y nagpakita sa Mahal na Inang si Maria. Dinalaw ng Panginoong Hesukristo ang Mahal na Birheng Maria upang pawiin ang mga luha sa kanyang mga mata. Noong siya'y dalawin ni Hesus, galak ang namayani sa kanyang puso. Ang hapis at lumbay ni Maria dahil sa mga pangyayari noong unang Biyernes Santo ay pinawi ng Muling Nabuhay na si Hesus. Inihatid ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay sa Mahal na Inang si Maria ang dulot Niyang kagalakan. Sa pamamagitan nito, pinawi ni Kristo nang tuluyan ang hapis at lumbay sa puso ni Maria. 

Sabi nga sa panalanging Regina Caeli ("Reyna ng Langit"), "Matuwa ka at magalak, O Birheng Maria. Aleluya! Sapagkat tunay na muling nabuhay ang Panginoon, Aleluya!" Ang Mahal na Inang si Maria ay kasama nating lahat na nagdiriwang nang buong kagalakan sa Muling Pagkabuhay ni Kristo. Si Kristo ay nabuhay na mag-uli taglay ang buo Niyang kaluwalhatian bilang Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay, ang panahon ng hapis at pagluluksa ay naging panahon ng pagdiriwang at kagalakan. Sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay, binigyan ni Kristo ng dahilan ang bawat isa upang magdiwang nang buong kagalakan. Si Kristo ay nagtagumpay sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ang Kanyang tagumpay ay para sa ating lahat. 

Nananawagan ang Simbahan sa bawat isa sa atin na kabilang sa sambayanang Kristiyano na magalak at magdiwang. Panahon na upang magdiwang at magalak sapagkat ang Panginoong Hesukristo ay Muling Nabuhay. Kagalakan ang Kanyang hatid sa ating lahat sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Ang hapis na tinataglay natin sa ating mga puso ay Kanyang pinapawi at pinupuno ng kagalakang bigay Niya sa ating lahat. 

MALIGAYANG PASKO NG MULING PAGKABUHAY!


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento