Huwebes, Abril 25, 2019

SIYA LAMANG ANG MAKAKAGAWA

26 Abril 2019 
Biyernes sa Walong Araw na Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 4, 1-12/Salmo 117/Juan 21, 1-14 


Sa Ebanghelyo, isinalaysay kung paanong nagpakita ang Panginoong Hesus sa mga apostol sa Lawa ng Tiberias matapos Siyang mabuhay na mag-uli. Ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ay hindi nakilala agad ng mga apostol noong umagang iyon. Siya'y nakilala na lamang nila matapos makahuli ng napakaraming isda. Ang utos ni Kristong Muling Nabuhay na nakatayo sa pampang ay kanilang sinunod. Nang ihulog ang kanilang mga lambat sa dakong itinuro ng Panginoong Hesus, doon lamang napuno ang kanilang mga lambat ng mga isda. Si Apostol San Juan, ang minamahal na alagad, ang una sa mga apostol na nakakilala sa Panginoon. Bumalik sa kanyang isipan ang alaala kung paano sila nakahuli ng maraming isda sa tulong ni Kristo. At matapos mabuhay na mag-uli ang Panginoon, naulit muli ang himalang iyon. Kaya, nasabi ni Apostol San Juan, "Ang Panginoon iyon!" (21, 7). Walang ibang tumulong sa kanila kundi ang Panginoong Muling Nabuhay. Siya lamang ang tumutulong sa mga apostol. 

Isinalaysay sa ikalimang kabanata ng Ebanghelyo ni San Lucas kung paanong nakahuli ng maraming isda ang mga unang apostol sa tulong ni Hesus. Subalit, ang kaibahan lamang nito sa salaysay sa Ebanghelyo ni San Juan, naganap iyon bago sila tawagin ni Hesus. Sa salaysay naman ni San Juan na itinampok sa Ebanghelyo, ganap na silang mga alagad ng Panginoong Hesukristo. At ang pangyayaring ito ay naganap matapos mabuhay na mag-uli ang Panginoon. Ano ang kahalagahan nito? Muling pinatunayan ni Hesus sa pangyayaring ito na muli Siyang nabuhay. Kaya, inulit Niya ang Kanyang ginawa para sa mga una Niyang apostol bago pumasok sa Herusalem. Matapos mabuhay na mag-uli, inulit ni Hesus ang Kanyang ginawa para sa mga apostol upang sila'y maniwala. 

Kaya naman, buong katatagan at paniniwalang nagsalita si Apostol San Pedro sa mga eskriba, mga matatanda ng bayan, at mga punong saserdote ukol kay Hesus sa Unang Pagbasa. Kahit alam niyang maaaring malagay sa panganib ang kanyang buhay, nagsalita pa rin si Apostol San Pedro tungkol sa Panginoong Hesukristo. At ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ay buong katatagan niyang pinatotohanan sa mga eskriba, mga matatanda ng bayan, at mga Pariseo. Siya at iba pang mga alagad ay pinalad na makita ang Panginoong Muling Nabuhay. Kaya sila'y nagpatotoo tungkol sa pinakadakilang himalang ito na tanging si Kristo lamang ang nakagagawa nang buong pagtitiwala at kagitingan. At pinatotohanan nilang tunay ngang nabuhay na mag-uli si Kristo dahil Siya mismo ang nagpalakad sa lalaking ipinanganak na lumpo. Ang mga apostol ay mga instrumento lamang ni Kristo. 

Tunay ngang nabuhay na mag-uli ang Panginoon. Patuloy Siyang nabubuhay sa piling natin, kahit hindi nakikita ng ating mga mata. Nagpapatuloy Siya sa paggawa ng mga kahanga-hangang bagay na nagpapamalas ng Kanyang kadakilaan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento