11 Setyembre 2026
Biyernes ng Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
1 Corinto 9, 16-19. 22b-27/Salmo 83/Lucas 6, 39-42
Larawan: Luis de Morales (1509–1586), Christ Carrying the Cross with the Virgin and Saint John (c. 1570). Kunstmuseum Basel. Public Domain.
Ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito na mayroon tayong isang misyon at tungkulin na kailangan nating gampanan habang pansamantala tayong naglalakbay sa daigdig. Bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, dapat nating ibahagi ang kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos. Makikilala ng lahat ng tao sa daigdig na ito ang Diyos bilang pinakadakila sa lahat sa pamamagitan nito.
Sa Unang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo na hinahangad niyang makilala ng lahat ng tao ang Diyos bilang pinakadakila sa lahat. Ang Mabuting Balita ay hindi niya ipinapangaral at ibinabahagi upang ang kaniyang sarili ay itaas. Bagkus, buong giting niya itong ginagawa para sa higit na ikadarakila ng Panginoong Diyos. Handa siyang gawin ang lahat, kahit na magtiis siya ng hirap, sakit, at pag-uusig sa kamay ng mga makapangyarihang tao noon, kung ang kapalit nito ay makilala ng lahat ng tao ang Diyos bilang pinakadakila sa lahat at maihandog nila sa Kaniya ang nararapat. Ito ang pinagtuunan ng pansin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Kaniyang pangaral sa Ebanghelyo. Hindi tayo dapat magpapasikat bilang mga tagapagbahagi ng kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos. Bagkus, kailangan natin itong gawin nang taos-puso.
Nararapat lamang handugan ang Diyos ng taos-pusong pagdakila. Dahil dito, buong giting at galak natin Siyang ipakilala sa lahat bilang pinakadakila sa lahat. Lagi nating ibahagi at ipalaganap ang Kaniyang kadakilaan. Makilala nawa Siya ng lahat ng tao sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento