22 Hunyo 2026
Lunes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Ikawalong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Pagsilang ni San Juan Bautista
2 Hari 17, 5-8. 13-15a. 18/Salmo 59/Mateo 7, 1-5
Larawan: Domenico Ghirlandaio (1448–1494), Preaching of St John the Baptist (detail) (c. Between 1486 and 1490). Tornabuoni Chapel via Web Gallery of Art. Public Domain.
"Poon, kami ay sagipin, kawaan, at kupkupin" (Salmo 59, 7b). Sa mga salitang ito na binigkas ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan nakasentro ang pagninilay ng Simbahan sa araw na ito. Ang Diyos ay tunay ngang mahabagin at maawain. Hindi ipagkakait ng Diyos ang Kaniyang habag at awa na tunay nga namang dakila sa mga lalapit sa Kaniya upang hingin ito nang buong kababaang-loob. Katunayan, lubos na matutuwa ang Diyos sa lahat ng mga lalapit sa Kaniya nang buong kababaang-loob upang hingin ang Kaniyang dakilang habag at awa.
Sa Unang Pagbasa, ang Panginoong Diyos ay nasaktan nang lubusan dahil sa paulit-ulit na pagmamatigas at pagkakasala ng mga Israelita. Nais man ipakita ng Diyos sa kanila ang Kaniyang habag at awa sa Israel, hindi Niya ito magawa dahil ipinasiya ng mga Israelita na maglingkod at sumamba sa mga diyus-diyusan. Sa Ebanghelyo, ang Poong Jesus Nazareno ay nangaral tungkol sa halaga ng kababaang-loob. Hindi tayo dapat umastang diyos sa harap ng kapwa-tao. Tao lamang tayo na nangangailangan ng habag at awa mula sa Diyos. Kailangan nating pahintulutan ang Diyos na dalisayin tayo upang maging malinis at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin ang bawat isa sa atin. Lagi Siyang handang gawin ito para sa atin.
Ang habag at awa ng Diyos ay tunay ngang dakila. Lagi Siyang handang ipagkaloob sa atin ang Kaniyang habag at awa na tunay ngang dakila. Lubos Siyang nalulugod sa lahat ng mga lalapit sa Kaniya nang may taos-pusong kababaang-loob at pananalig upang hingin ang Kaniyang dakilang awa at habag. Ito ay dahil dinarakila nila Siya sa pamamagitan nito.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento