Biyernes, Hunyo 26, 2026

ANG NARARAPAT NA TUGON

3 Hulyo 2026 
Kapistahan ni Apostol Santo Tomas 
Efeso 2, 19-22/Salmo 116/Juan 20, 24-29 


"Panginoon ko at Diyos ko!" (Juan 20, 28). Sa mga salitang ito na buong pananalig na binigkas ni Apostol Santo Tomas noong ang Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno ay nagpakita muli sa mga alagad, na kasama siya, sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo nakasentro ang pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito. Tiyak na hindi na natin mabilang kung ilang ulit na tayong inaanyayahan ng Simbahan na ituon ang ating mga pansin sa tunay na pagkakilanlan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Isa lamang ang ibig sabihin noon - ang katotohanang ito ay hindi natin dapat limutin kahit kailan. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay tunay na Diyos na dapat laging handugan ng taos-pusong pagdakila. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo na dapat dakilain ng lahat ng tao sa daigdig ang Diyos. Hindi lamang para sa isang pangkat, lipi, bayan, grupo, angkan, at bansa ang utos at paanyaya na maghandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos. Ang lahat ng tao sa daigdig ay inaanyayahang ihandog ang nararapat sa Diyos na walang iba kundi ang taos-pusong pagdakila sa Kaniyang Ngalan, gaya ng inihayag ng mang-aawit sa Salmong Tugunan (Salmo 116, 1). Bilang mga bumubuo sa Simbahang tatag mismo ng Poong Jesus Nazareno, ito ang lagi nating dapat gawin. 

Dapat nating ilaan ang bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos. Nararapat lamang itong gawin bilang tugon sa Diyos na laging nagpapamalas ng Kaniyang kadakilaan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento