27 Hunyo 2026
Kapistahan ng Mahal na Ina ng Laging Saklolo
Isaias 7, 10-17/Salmo 71/Pahayag 12, 1-6. 10/Juan 19, 25-27
Walang maliw ang katapatan ng Panginoong Diyos. Ito ang aral na pinagtutuunan ng pansin at pinagninilayan ng Simbahan sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Mahal na Ina ng Laging Saklolo. Laging handang sumaklolo ang Panginoong Diyos. Hindi Niya tayo dededmahin o pababayaan. Mula sa Kaniyang maringal na trono sa langit, ang ating mga panalangin at pagsamo ay Kaniyang naririnig. Tutugunan ng Panginoong Diyos ang ating mga panalangin at samo. Para sa ating ikabubuti ang Kaniyang mga tugon.
Sa Unang Pagbasa, ang Diyos ay nagbitiw ng isang pangako. Ipinangako ng Diyos na darating Siya bilang isang munting sanggol na lalaki na isisilang ng isang dalaga. Ang pangakong ito ay hindi Niya binaon sa limot kailanman. Bagkus, ang pangakong ito ay tinupad Niya noong sumapit ang panahong itinakda Niya. Pinatunayan ng Diyos ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan sa pamamagitan ng pagtupad sa pangakong binitiwan Niya sa Unang Pagbasa. Inilahad sa Ebanghelyo ang isang maikling bahagi ng mahabang salaysay ng katuparan ng pangakong inilahad sa Unang Pagbasa. Ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na ipinanganak ng Mahal na Birheng Maria na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na nakapako sa Krus na Banal ay ang katuparan ng pangakong binitiwan ng Diyos sa Lumang Tipan. Gaya ng buong linaw na isinalungguhit sa mga pangitain ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa, hindi ikinubli ng Diyos ang Kaniyang kadakilaan. Bagkus, ito ay ipinamalas Niya upang makilala Siya ng lahat. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno.
Ipinapaalala sa atin ng Mahal na Ina ng Laging Saklolo na laging handang tumulong at sumaklolo ang Diyos. Hindi Niya tayo pababayaan kailanman. Kaya naman, bilang tugon sa palagiang pagtulong at pagsaklolo ng Diyos, dapat nating ilaan ang bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay dito sa lupa sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniyang Ngalan.
.jpg)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento