29 Hulyo 2026
Paggunita kina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro
1 Juan 4, 7-16/Salmo 33/Juan 11, 19-27 (o kaya: Lucas 10, 38-42)
Larawan: Juan de Valdés Leal (1622–1690), San Lázaro con Santa Marta y Santa María Magdalena (c. 1660), Seville Cathedral. Public Domain.
Ang magkapatid na taga-Betania na sina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro ay kilala bilang mga minamahal na kaibigan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Nais rin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na kaibiganin ang bawat isa sa atin. Lagi Niyang binibigyan ng pagkakataon ang bawat isa sa atin na maging Kaniyang mga kaibigan, gaya ng magkapatid na taga-Betania. Sa katotohanang ito nakatuon ang taimtim na pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito.
Nakasentro sa dakilang pag-ibig ng Diyos ang pangaral sa Unang Pagbasa. Kahit na hindi tayo karapat-dapat sa dakilang pag-ibig ng Diyos dahil sa ating pagiging mga makasalanan, ipinasiya pa rin Niyang ipamalas ito sa atin sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Sa Ebanghelyo, inihayag ni Santa Marta ang kaniyang taos-pusong pananalig sa Poong Jesus Nazareno na buong linaw na nagpakilala ng Kaniyang sarili bilang muling pagkabuhay at buhay. Inihayag naman ng isa niyang kapatid na walang iba kundi si Santa Maria ang kaniyang taos-pusong pasiyang manalig kay Kristo sa alternatibong Ebanghelyo sa pamamagitan ng pakikinig sa Kaniya. Pati na rin si San Lazaro na kanila ring kapatid ay nagpahayag ng kaniyang manalig sa Panginoon. Ang kanilang mga puso at loobin ay lagi nilang binuksan sa Poon at ang Kaniyang alok ay tinanggap nila nang taos-puso.
Gaya ng magkakapatid na taga-Betania, buksan natin ang ating mga puso at loobin sa Poong Jesus Nazareno. Nais Niya tayong kaibiganin. Bilang tugon, tanggapin natin nang taos-puso ang Kaniyang alok na maging Kaniyang mga minamahal na kaibigan. Hinahandugan natin Siya ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan nito.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento