2 Agosto 2026
Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Isaias 55, 1-3/Salmo 144/Roma 8, 35. 37-39/Mateo 14, 13-21
Larawan: Francisco Herrera the Elder (1576–1656), Multiplicación de los panes y los peces (c. 17th century). Royal Academy of Fine Arts of San Fernando. Public Domain.
Nakasentro sa habag at awa ng Diyos para sa lahat ang mga Pagbasa. Dahil sa habag at awa ng Diyos na tunay ngang kahanga-hanga at dakila, walang sawa Niya tayong kinakalinga. Hindi Siya tumitigil sa pagkalinga sa atin. Kahit na hindi na mabilang ang mga kasalanang nagawa natin laban sa Kaniya, lagi pa rin Niya tayong kinakalinga. Sa pamamagitan nito, pinatutunayan ng Diyos na mahalaga tayo sa Kaniya. Ganyan Niya tayo kahalaga sa Kaniya. Iniibig, kinaawaan, at kinahahabagan tayo ng Diyos.
Ang lahat ng tao ay inanyayahan ng Panginoong Diyos na lumapit sa Kaniya nang sa gayon ay makasumpong sila ng tunay na pagkain at inumin sa Unang Pagbasa. Hindi pinababayaan ng Panginoong Diyos ang lahat ng tao. Lagi Niya silang kinakalinga at inaaruga bilang patunay ng Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na tunay ngang kahanga-hanga at dakila. Kahit na paulit-ulit tayong nagkakasala laban sa Kaniya, lagi pa rin Niyang isinasaisip ang ating ikabubuti. Wala Siyang hinahangad kundi ang ating ikabubuti. Nakasentro rin sa paksang ito ang pangaral ng apostol at misyonerong dakila na si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Isinalungguhit ng dakilang apostol at misyonerong ito ang kadakilaan ng pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos para sa lahat. Sa Ebanghelyo, gumawa ng isang himala ang Nuestro Padre Jesus Nazareno - pinarami Niya ang limang tinapay at dalawang isda upang makakain ang limanlibo.
Gaya ng ipinahayag nang buong linaw sa Salmong Tugunan, "Pinakakain Mong tunay kaming lahat, O Maykapal" (Salmo 144, 16). Hindi maramot ang Diyos. Bagkus, lagi tayong kinakalinga at inaaruga ng Diyos. Patunay lamang ito ng Kaniyang pag-ibig, habag, at awa na tunay ngang dakila.
Laging nasa isipan ng Diyos ang ating ikabubuti. Ito ang dahilan kung bakit hindi Siya nagsasawang kalingain at arugain tayo. Sa pamamagitan nito, pinatutunayan Niya ang Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento