6 Agosto 2026
Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon (A)
Unang Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestra Senora de la Buena Hora
Daniel 7, 9-10. 13-14/Salmo 96/2 Pedro 1, 16-19/Mateo 17, 1-9
Larawan: Pedro Atanasio Bocanegra (1638–1689), The Transfiguration of Christ (c. 17th century). National Museum of Sculpture. Public Domain.
Ang pagninilay ng Inang Simbahan para sa araw na ito ay nakasentro sa mga salitang binigkas ng Amang nasa langit sa Banal na Ebanghelyo. Sa salaysay ng kaganapang itinampok at inilahad sa Ebanghelyo, nagbigay ng isang napakahalagang utos para sa lahat ang Amang nasa langit. Inihayag ng Amang nasa langit ang utos na ito: "Ito ang minamahal Kong Anak . . . Pakinggan ninyo Siya!" (Mateo 17, 5). Hindi lamang para sa tatlong alagad na isinama ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa bundok ang nasabing utos. Bagkus, ang nasabing utos ay para sa lahat ng tao.
Nakita ng tatlong alagad na sina Apostol San Pedro, Santo Santiago, at San Juan sa banal na bundok sa mga sandaling yaon kung ano ang nakita ng propetang si Daniel sa kaniyang pangitain na ibinahagi niya sa Unang Pagbasa. Ang kadakilaan ng Poong Jesus Nazareno bilang tunay na Diyos ay nakita nila sa banal na bundok. Nagpatotoo tungkol sa sandaling ito ang isa sa mga alagad na naroon sa banal na bundok nang maganap ang pagbabagong-anyo ng Poong Jesus Nazareno na walang iba kundi ang unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa. Hindi isang karaniwang tao lamang ang Poong Jesus Nazareno. Bagkus, tunay nga Siyang Diyos na nagpasiyang maging tunay na tao upang tayong lahat ay mailigtas. Dagdag pa ng mang-aawit sa Salmong Tugunan, tunay nga Siyang Hari (Salmo 96, 1a at 9a).
Bilang patunay ng ating taos-pusong pagdakila sa Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang utos ng Amang nasa langit sa Ebanghelyo ay dapat nating tuparin at sundin. Lagi natin Siyang pakinggan at sundin nang taos-puso. Pahintulutan natin Siyang maghari sa ating mga puso. Mamuhay tayo para sa Kaniya.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento