Miyerkules, Hulyo 8, 2026

PINAHAHALAGAHAN TAYO NG ATING DINARAKILA

17 Hulyo 2026 
Biyernes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Isaias 38, 1-6. 21-22. 7-8/Isaias 38/Mateo 12, 1-8 

Larawan: Anonymous, Man of Sorrows (c. Between 1500 and 1510). Cultural Heritage Agency of the Netherlands Art Collection. Public Domain. 

Ang pagiging mapagkalinga ng Panginoong Diyos ay muling binibigyan ng pansin at pinagninilayan nang buong kataimtiman ng Simbahan sa araw na ito. Isa itong aral na hindi dapat limutin kailanman. Lagi tayong kinakalinga ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kaniyang palagiang pagkalinga sa atin, lagi Niyang ipinapamalas sa atin ang Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Mahalaga tayo sa Kaniya. Hindi Niya tayo pababayaan kailanman.

Nakasentro sa palagiang pagkalinga ng Diyos ang mga Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, ang pangako ng Panginoong Diyos kay Haring Ezequias ay ibinahagi ni Propeta Isaias. Bilang tugon kay Haring Ezequias na dumalangin sa Kaniya nang buong kataimtiman, ipinangako ng Diyos na pahahabain Niya ang buhay ng hari at ipagsasanggalang ang Juda mula sa mga taga-Asiria. Inihayag nang buong linaw sa Salmong Tugunan ang dahilan kung bakit ito ang naging pasiya ng Diyos. Ang tanging dahilan ay walang iba kundi ang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos. Nakasentro rin sa nasabing katotohanan ang mga salitang binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Laging kinakalinga ng Diyos ang lahat ng tao dahil sa Kaniyang pag-ibig, habag, at awa na tunay ngang dakila at kahanga-hanga. Sa pamamagitan nito, buong linaw na ipinapahayag ng Diyos na lagi Niyang pinahahalagahan ang lahat ng tao. 

Tayong lahat ay lubos na pinahahalagahan ng Diyos. Lagi Niya itong pinatutunayan sa pamamagitan ng Kaniyang palagiang pagkalinga sa atin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento