Huwebes, Hulyo 16, 2026

DINARAKILA SIYA NG MGA NAGBUBUKAS NG KANILANG MGA SARILI SA KANIYA

24 Hulyo 2026 
Biyernes ng Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Paggunita kay San Sharbel Makhluf, pari 
Jeremias 3, 14-17/Jeremias 31/Mateo 13, 18-23 


Ang paliwanag ng Nuestro Padre Jesus Nazareno hinggil sa kahulugan ng talinghaga tungkol sa manghahasik ay itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Subalit, nakatuon sa pagkalinga ng Diyos ang Unang Pagbasa at Salmong Tugunan. Itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa ang pangako ng Diyos para sa Israel, ang bayang hinirang Niya. Mga pinunong masunurin sa Kaniya ang ipagkakaloob Niya bilang tanda ng Kaniyang walang sawang pagkalinga sa bayang Kaniyang hirang. Nakasentro rin sa pagkalinga ng Diyos sa lahat ang mga salita sa Salmong Tugunan. Ang Diyos ay ipinakilala bilang isang pastol na walang sawang kumakalinga sa Kaniyang kawan. 

Isa lamang ang aral na nais isalungguhit sa araw na ito. Ang ating mga sarili ay dapat nating buksan sa Diyos. Hinahandugan natin ng taos-pusong pagdakila ang Diyos sa pamamagitan ng pagbubukas ng ating mga sarili. Pinahihintulutan natin ang Diyos na baguhin tayo kapag ang ating mga sarili ay ating ibubukas sa Kaniya. Tayong lahat ay Kaniyang pababanalin kapag pinapasok natin ang Diyos sa ating buhay. 

Nais man ng Diyos na baguhin ang bawat isa sa atin, hindi Niya ito magagawa kung hindi natin ibibigay ang ating pahintulot sa Kaniya. Binigyan Niya tayo ng kalayaan at kapasidad na magpasiya para sa ating mga sarili. Ang ating mga pasiya ay Kaniyang igagalang. Hindi Niya pipilitin ang Kaniyang naisin kung hindi ito ang ating naisin. 

Kung tunay ngang taos-puso ang ating pagdakila sa Panginoon, dapat nating buksan ang ating mga sarili sa Kaniya. Dapat nating ibigay sa Kaniya ang ating pahintulot na gawin tayong banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin. Nararapat lamang gawin ito bilang tugon sa Kaniya na walang sawang kumakalinga sa atin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento