Huwebes, Setyembre 10, 2026

PAGBABAGONG DULOT NG PINAKADAKILA SA LAHAT

18 Setyembre 2026 
Biyernes ng Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
1 Corinto 15, 12-20/Salmo 16/Lucas 8, 1-3 

Ang mga babaeng nagpasiyang sumunod sa ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno nang taos-puso ay ipinakilala sa Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng kanilang taos-pusong pasiyang sundan Siya, ang Bugtong na Anak ng Diyos at Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo, hinandugan nila Siya ng taos-pusong pagdakila. Lagi nila itong ginawa bilang tugon sa Kaniya na hindi nagdalawang-isip bigyan sila ng pagkakataong baguhin ang kanilang buhay.

Katulad ng mga banal na babae sa Ebanghelyo, naranasan ni Apostol San Pablo ang pagbabagong dulot ng Poong Jesus Nazareno. Ito ang dahilan kung bakit nagpatotoo siya tungkol sa maluwalhating tagumpay ng Poong Jesus Nazareno na nahayag sa lahat sa pamamagitan ng Kaniyang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay sa pangaral na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa. Ang lahat ay Kaniyang binago. 

Dahil sa dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, lagi tayong binibigyan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ng pagkakataong magbagong-buhay at maging banal. Huwag nating isara ang ating mga puso at loobin sa biyayang ito na Kaniyang ipinagkakaloob sa atin nang kusang-loob. Bagkus, bilang tugon sa Kaniya na puno ng pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na tunay ngang dakila, buksan natin ang ating mga sarili sa biyayang ito. Pahintulutan natin Siyang baguhin at pabanalin tayo. Taos-pusong pagdakila ang ating inihahandog sa Kaniya sa pamamagitan nito. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento