28 Setyembre 2026
Dakilang Kapistahan ng Pagtatalaga ng Dambana ng Simbahan ng Quiapo
Ezekiel 47, 1-2. 8-9. 12/Salmo 45/1 Corinto 3, 9k-11. 16-17/Juan 4, 19-24
Nagiging banal ang lahat dahil sa presensya ng Diyos. Ito ang aral na ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa tuwing ipinagdiriwang ang taunang anibersaryo ng pagtatalaga sa isang bahay-dalanginan. Pinababanal ng presensya ng Diyos ang lahat. Dahil dito, hindi lamang mga karaniwang gusali ang mga bahay-dalanginan gaya na lamang ng makasaysayang Simbahan ng Quiapo. Bagkus, ito ay mga banal na pook o lugar.
Isinalungguhit nang buong linaw sa Unang Pagbasa kung paanong ang mga lugar ay pinababanal ng presensya ng Diyos. Pinababanal ng presensya ng Diyos ang lahat ng bagay. Dahil sa presensya ng Diyos, ang Templo ay isang banal na lugar. Ang Templo ay hindi lamang isang ordinaryong gusali dahil binago ito ng presensya ng Diyos. Sa katotohanang ito nakasentro ang mga salitang binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Buong linaw Niyang isinalungguhit sa babaeng Samaritanang Kaniyang nakatagpo sa Balon ni Jacob kung paanong ang lahat ng tao ay makakapaghandog ng taos-pusong pagsamba sa Diyos. Kaya ng Diyos na baguhin at pabanalin ang lahat.
Dahil sa Diyos, ang lahat ay nagiging banal. Binabago Niya ang lahat. Nakasentro sa katotohanang ito na dapat lagi nating tandaan ang pangaral ni Apostol San Pablo na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa. Tayong lahat ay Templo ng Diyos. Kaya naman, hindi tayo dapat mamuhay sa kasalanan at kasamaan. Nilikha tayo ng Diyos bilang Kaniyang Templo. Ito ang natatanging dahilan kung bakit kinakailangan nating mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin.
Buksan natin ang ating mga puso, isipan, at diwa sa pagbabagong dulot ng Diyos. Sa pamamagitan nito, pinahihintulutan natin ang Diyos na baguhin at pabanalin tayo. Ito ang magpapatunay na dinarakila natin Siya nang taos-puso.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento