Biyernes, Setyembre 4, 2026

TANDA NG KANIYANG KAHANGA-HANGANG KADAKILAAN

14 Setyembre 2026 
Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal 
Mga Bilang 21, 4b-9/Salmo 77/Filipos 2, 6-11/Juan 3, 13-17 


Ang pagdiriwang ng Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal ay nakasentro sa pagiging tanda ng kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos ng Krus na Banal. Dahil sa kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos, ipinasiya Niyang tubusin ang sangkatauhang nalugmok sa kasalanan sa pamamagitan ng Krus na Banal. Kaya naman, ang Krus na Banal ay ang tanda ng Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan. Bago Niya iligtas ang sangkatauhan, ang krus ay tanda ng kahihiyan, kapahamakan, at kamatayan. Noong dumating ang Diyos sa daigdig sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, tuluyang nagbago ang kahulugan ng krus. Ito ay naging tanda ng Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan na nagdulot ng kaligtasan. 

Kung paanong naging instrumento ng paghilom at pagligtas ng Panginoong Diyos sa mga Israelita sa ilang ang ahas na tanso na Kaniyang pinagawa kay Moises, gaya ng inilarawan sa salaysay ng kaganapang itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa, ang dating sagisag o tanda ng kahihiyan, kapahamakan, at kamatayan na napakatindi na walang iba kundi ang krus ay nagbago nang tuluyan dahil sa Kaniya. Binago Niya ito dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig para sa atin. Sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, nagbago ang kahulugan ng krus. Naging sagisag o tanda ng walang hanggang kadakilaan ng Diyos ang krus. Ito ang katotohanang isinalungguhit nang buong linaw sa Ebanghelyo. Pati ang mga salita ni Apostol San Pablo sa pangaral na tampok Ikalawang Pagbasa ay nakasentro rin sa katotohanang ito. 

Inilarawan sa Salmong Tugunan kung ano ang kailangan nating gawin bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ng Panginoong Jesus Nazareno. Hindi natin dapat limutin kailanman ang kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos na nagdulot ng kaligtasan sa atin sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno. Upang ang lahat ng tao ay maligtas, binago Niya nang tuluyan ang kahulugan ng krus. Naging tanda o sagisag ito ng Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan na naghahatid ng kaligtasan sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno. 

Sa tuwing makakita tayo ng imahen o larawan ng Krusipiho, dakilain natin ang Diyos bilang pagtanaw ng utang na loob sa Kaniya na nagpasiyang huwag ipagkait sa atin ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan. Maging paalala rin ang bawat larawan at imahen ng Krusipiho na dapat tayong mamuhay para sa Diyos. Kapag namuhay tayo para sa Diyos, lagi natin Siya hinahandugan ng taos-pusong pagdakila. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento