Ikalabing-Apat na Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Ezekiel 2, 2-5/Salmo 122/2 Corinto 12, 7-10/Marcos 6, 1-6
Bahagi ng buhay ng bawat tao ang mga pagsubok. Walang sinuman dito sa mundong ito ang namuhay na walang pinagdaanang mga pagsubok. Ang mga pagsubok ay kaakibat ng buhay ng bawat tao. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay nagiging maganda at maginhawa ang buhay ng bawat isa. May mga pagkakataon sa buhay kung saan haharap at dadanas ng mga matitinding pagsubok ang bawat tao.
Kahit ang mga banal na lingkod ng Diyos ay hindi ligtas mula sa mga pagsubok noong sila'y namumuhay dito sa mundo. Hinarap at tiniis ng mga banal ang pait dulot ng mga pagsubok noong sila'y namuhay dito sa lupa. Marami silang mga pinagdaanan at tiniis sa buhay alang-alang sa Panginoon. Nanatili silang tapat sa Diyos hanggang sa wakas ng kanilang buhay, sa kabila ng mga pagsubok na kanilang hinarap at pinagdaanan. Ang kanilang mga pagtitiis at pananatiling tapat sa panahon ng kagipitan ay inialay nila sa Kanya.
Ang katotohanang ito ang isinalungguhit sa mga Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, inilahad ni propeta Ezekiel ang sinabi sa kanya ng Diyos noong siya'y isinugo Niya sa Kanyang bayan bilang Kanyang propeta. Sinabi ng Diyos kay Ezekiel na matitigas ang ulo't puso ng kanyang magiging tagapakinig. Dahil sinabi ng Panginoong Diyos na matitigas ang puso't isipan ng magiging tagapakinig ni Ezekiel, napakalaki ng posibilidad na hindi nila pakikinggan ang kanyang sasabihin.
Ipinahiwatig ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na marami siyang pinagdaanang mga pagsubok sa buhay, lalung-lalo na ang tinatawag na "tinik sa laman". Kahit tatlong ulit siyang dumalangin sa Diyos na ialis iyon sa kanya, hindi iyon pinahintulutan ng Diyos. Sa halip, ipinaalala sa kanya ng Diyos na sapat na ang Kanyang pagtulong (12, 9). Tutulungan siya ng Diyos sa pagtupad sa kanyang misyon bilang apostol at misyonero sa mga Hentil sa kabila ng mga pagsubok sa buhay. Gaano mang karami at kabigat ang mga pagsubok na kanyang haharapin at dadanasin sa bawat sandali ng kanyang misyon, hindi siya pababayaan ng Diyos. Lagi niyang kasama ang Diyos upang siya'y tulungan sa bawat sandali ng kanyang misyon. At iyon ay sapat na. Hindi naging madali ang buhay ni Apostol San Pablo bilang apostol at misyonero ni Kristo sa mga Hentil. May mga pagkakataon sa kanyang misyon kung saan siya'y napakahina sa pagharap at pagtiis sa mga tukso't pagsubok. Subalit, ang grasya ng Diyos ang tumulong sa kanya na manatiling tapat sa kanyang misyon sa kabila ng kanyang mga kahinaan. Kaya naman, nasabi ni Apostol San Pablo ang mga salitang ito sa wakas ng Ikalawang Pagbasa, "Kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas." (12, 10)
Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang isang napakasakit na sandali sa buhay ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus. Si Hesus ay hindi tinanggap ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret. Nag-alinlangan ang mga kababayan ni Hesus sa Kanya. Dahil sa kanilang pag-aalinlangan, Siya'y hindi nila kinilala. Kahit na Siya'y lumaki sa bayan ng Nazaret, hindi Siya kinilala at tinanggap. Napakasakit para sa Kanya ang di-pagtanggap sa Kanya ng mga kababayan sapagkat karamihan sa kanila ay marahil kilala Niya mula pagkabata. Marahil ay mayroon Siyang pinagsamahan sa ilan sa mga nakinig sa Kanya noong araw na iyon. Marahil ay naaalala pa rin Niya ang mga masasayang sandaling kasama Niya ang ilan sa kanila habang Siya'y lumalaki. At ngayong Siya'y kilala na bilang isang dakilang tagapagturo sa buong Galilea, hindi na Siya kinilala sa bayan kung saan Siya'y lumaki.
Pati ang Diyos, hindi naging ligtas sa mga pagsubok sa buhay noong Siya'y naging tao sa pamamagitan ni Hesus. Naranasan Niya ang di-pagtanggap ng Kanyang mga kababayan. Naranasan ang di-pagtanggap ng ilan sa Kanyang mga tagapakinig. Naranasan Niya ang di-pagtanggap ng mga pinuno ng bayan. Kaya, nababatid Niya ang pait at sakit dulot ng mga tukso at pagsubok sa buhay sa bawat tao. Alam Niya kung gaano kahirap iyon para sa bawat tao. Nauunawaan Niya ang kalagayan ng bawat tao sa tuwing humaharap sila sa mga matitinding pagsubok sa buhay. Batid Niya ang mga hinanakit ng bawat tao sa panahon ng mga pagsubok.
Totoo ngang mapait at masakit sa pakiramdam ang pagharap at pagtiis sa mga panahon ng pagsubok sa buhay. Hindi lang ulo ang sumasakit, pati ang mga puso natin ay nasasaktan sa mga sandaling iyon. Sa panahon ng kagipitan, napakadaling mawalan ng pananalig at pag-asa sa Diyos. Mas madali pang sumuko at tumunganga na lamang dahil tila wala nang tayong magagawa upang lampasan at pagtagumpayan ang mga pagsubok sa buhay.
Subalit, mayroon tayong Diyos na lagi nating kasama sa mga sandali ng hirap at ginhawa. Nababatid ng Diyos ang kapaitan at hirap na dinaranas ng bawat tao sa panahon ng mga pagsubok sa buhay. Batid Niya ang ating nararamdaman sa tuwing tayo'y may pinagdadaanang pagsubok sa buhay. Hinding-hindi Siya nang-iiwan at nagpapabaya sa panahon ng kagipitan. Bagkus, lagi Siyang nandiyan palagi upang tayo'y tulungan sa ating mga pinagdadaanan sa buhay. Tayong lahat ay binibigyan Niya ng katatagan ng loob upang mapagtagumpayan natin ang mga pagsubok sa buhay. Siya'y laging kasama natin upang tayo'y tulungan at gabayan hanggang wakas. Hindi Siya nambibigo. Siya'y tapat magpakailanman.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento