Huwebes, Hunyo 28, 2018

PAANYAYA NG TAGAPAGLIGTAS

1 Hulyo 2018 
Ikalabintatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Karunungan 1, 13-15; 2, 23-24/Salmo 29/2 Corinto 8, 7. 9. 13-15/Marcos 5, 21-43 (o kaya: 5, 21-24. 35b-43) 



Ang mga makapangyarihang salitang ito ang bumungad sa Unang Pagbasa, "Ang kamatayan ay hindi likha ng Diyos, ang pagkamatay ng alinmang may buhay ay hindi Niya ikinalulugod." (1, 13) Sa pamamagitan ng mga salitang ito, ang Diyos ay ipinapakilala bilang isang diyos na nagpapahalaga sa buhay ng bawat tao. Hindi Niya ninanais mamatay ang bawat tao. Nais Niyang maranasan ng lahat ng tao ang biyaya ng buhay na Kanyang kaloob. Kaya naman, ang bawat tao dito sa lupa ay pinahintulutan ng Panginoong Diyos na maranasan ang biyaya ng buhay na mula sa Kanya. Sa pamamagitan nito, ipinakita ng Panginoong Diyos na Siyang bukal ng buhay ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob para sa sangkatauhan. 

Kaya naman, si Apostol San Pablo ay nagsalita tungkol sa pag-ibig ng Diyos na inihayag sa lahat sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo sa Ikalawang Pagbasa. Ganito niyang inilarawan ang pag-ibig ng Panginoon sa sangkatauhan, "Alam ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig ng ating Panginoong Hesukristo na bagamat mayaman ay nagpakadukha upang yumaman kayo sa pamamagitan ng Kanyang karukhaan." (8, 9) Dahil sa laki ng Kanyang pag-ibig, buong kababaang-loob na iniwan ng Panginoon ang Kanyang kayamanan at kaluwalhatian sa langit at naging tao upang tayo'y iligtas. Sa pamamagitan ng pagtubos sa atin, binuksan ng Panginoon ang pintuan ng langit para sa ating lahat. Ang bawat isa ay mayroon nang pagkakataong makapasok sa maluwalhating kaharian ng langit na puno ng tunay na kayamanang hatid ni Kristo sa bawat isa sa katapusan ng ating buhay dito sa lupa dahil sa Kanyang pagtubos sa atin. 

Subalit, hindi nangangahulugang makakapasok tayo agad-agad sa langit nang gayon na lamang. Makakapasok lamang tayo sa kaharian ni Kristo sa langit kung tayo'y sasampalataya sa Kanya at tatalima sa Kanyang mga utos nang buong katapatan hanggang sa wakas ng ating buhay dito sa lupa. Hindi lamang sapat na sumampalataya lamang kay Kristo para makapasok sa langit. Kailangang isabuhay natin ang ating pananampalataya; ipakita ito sa pamamagitan ng ating mga salita't gawa upang ipagkaloob sa atin ang gantimpala ng kalangitan. Kaya nga, sabi sa aklat ng Pahayag na walang maruming makakapasok sa kaharian ng langit (21, 27). Tanging mga ganap na malilinis, busilak, dalisay lamang ang nakakapasok sa langit. Kaya, kung nais nating mapabilis ang ating pagpasok sa langit sa katapusan ng ating buhay sa lupa, ipahayag natin ang ating pag-ibig at pananampalataya sa Diyos sa pamamagitan ng ating mga salita't gawa. Sabi nga ni Apostol Santiago sa kanyang sulat, "Patay ang pananampalatayang walang gawa." (2, 17) 

Isinalaysay naman sa Ebanghelyo kung paanong isinaayos ni Hesus ang kalusugan ng dalawang babae. Katunayan, yung isa sa dalawang babae, ang anak ni Jairo, ay binuhay Niyang muli. Sa pamamagitan ng dalawang himalang ito, ipinakita ni Hesus ang Kanyang pag-ibig para sa bawat isa. Ipinapaalala sa atin ni Hesus ang dahilan kung bakit ang bawat isa dito sa mundo ay humihinga. Ang bawat tao dito sa mundo ay nakakaranas ng buhay sapagkat ito'y niloob Niya. Pinahintulutan Niya ang bawat tao na makaranas ng buhay. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng buhay sa bawat tao, ipinakita Niya sa atin ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob. Isa itong pasulyap sa Kanyang gagawin pagdating ng takdang oras. Si Hesus ay mamamatay sa krus at muling mabubuhay sa ikatlong araw. Sa pamamagitan nito, binigyan Niya ng pagkakataon ang bawat tao na makapamuhay sa Kanyang piling sa langit magpakailanman sa katapusan ng buhay dito sa lupa. At iyon ang pinakadakilang paghahayag ng pag-ibig at kagandahang-loob. 

Ang Panginoon ang nagbigay ng buhay sa atin. Hindi nagmumula sa Kanya ang kamatayan. Ang kamatayan ay hinding-hindi Niya ikinalulugod. Kaya naman, ang buhay ay isang napakahalagang pagpapala mula sa Diyos. Siya ang bukal ng buhay. Sa Kanya nagmumula ang ating buhay. Siya lamang ang may kapangyarihang magbigay ng buhay at bumawi nito. Tayong lahat ay binigyan Niya ng pahintulot upang maranasan ang biyaya ng buhay, sa kabila ng ating pagiging makasalanan. Kahit likas sa atin ang magkasala, pinayagan pa rin ng Diyos na maranasan natin ang buhay na hiram na nagmumula sa Kanya. Ang pagpapahintulot na ito ang nagpapahayag ng Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob. 

Subalit, ang buhay dito sa mundo ay pansamantala lamang. Hindi tayo mamumuhay dito sa mundo magpakailanman. Darating din ang panahon kung kailan tayo sasakabilang-buhay. At sa kabilang buhay, mayroong gantimpalang inihanda ang Diyos para sa bawat isa. Ang gantimpalang iyon ay ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling Niya sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit. Ang mga pinto ng langit ay binuksan ng Diyos noong tayo'y Kanyang iniligtas at pinalaya mula sa kaalipinan sa ilalim ng kasamaan at kamatayan sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus. Ang bawat tao'y may pagkakataong makapasok sa kaharian ng langit dahil sa pagtubos ni Kristo Hesus. Subalit kinakailangang maging banal at dalisay muna sila bago makapasok dito. Walang sinumang may bahid ng kasalanan ang makakapasok sa kaharian ng langit. At ang pamumuhay nang banal ay tanda ng ating pagtanggap sa paanyaya ni Kristo na maranasan ang kaganapan ng biyaya ng Kanyang pagliligtas sa Kanyang kaharian sa kalangitan. 

Kaya naman, ang hamon sa atin ay mamuhay nang ganap at kasiya-siya. Tahakin ang landas tungo sa kabanalan habang tayo'y naglalakbay dito sa lupa. Tutulan at talikdan ang pang-aakit at tukso ng kasamaan. Tumalima sa kalooban ng Diyos. Isabuhay ang pananampalataya at pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng mga salita't gawa. Laging gumawa ng mabuti araw-araw. Kapag iyan ay ating ginawa, matitiyak natin na tayo'y tatanggapin ng Diyos sa Kanyang kaharian sa langit pagdating ng panahon ng ating paglisan sa mundong ito. Pansamantala lamang ang buhay dito sa sanlibutan. Subalit, ang buhay na walang hanggan ay matatagpuan lamang sa piling ng Maykapal sa Kanyang kaharian sa langit. 

Sa pamamagitan ng pagtubos sa atin, tayong lahat ay binigyan ng pagkakataon ni Hesus na makapamuhay sa Kanyang kaharian sa langit magpakailanman. Ibinigay rin sa atin ni Hesus ang kapangyarihang magpasiya kung tatanggapin ba natin ang Kanyang paaanyaya na makapamuhay na kapiling Niya sa langit magpakailanman sa katapusan ng ating buhay dito sa lupa. Kung tinatanggap natin ang Kanyang paanyaya, ipakita natin ito sa pamamagitan ng ating mga kilos at salita. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento