Sabado, Hunyo 16, 2018

ANG PAGKILING NG DIYOS

17 Hunyo 2018 
Ikalabing-Isang Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Ezekiel 12, 22-24/Salmo 91/2 Corinto 5, 6-10/Marcos 4, 26-34 


Isinasalungguhit sa mga Pagbasa ang pagkiling ng Diyos sa mga aba. Ang mga hamak ay Kanyang itinatampok at dinadakila. Ang Diyos ay nasa panig ng mga mapagpakumbaba. Ang kababaang-loob ay lubos na kinalulugdan ng Diyos sapagkat nakikita sa kababaang-loob ang labis na pangangailangan para sa Kanya. Ang mga may kababaang-loob ay umaamin na kailangan nila ang pamamatnubay ng Diyos sapagkat hindi nila kayang gawin ang lahat ng bagay kung hindi sila gagabayan Niya. Sa pamamagitan ng kababaang-loob makikita ang buong pusong pananalig sa Awa at Habag ng Panginoong Diyos.

Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoon sa pamamagitan ng mga salitang patalinghaga na itataas Niya ang mga aba at mga may kababaang-loob. Ang mga aba at may kababaang-loob ay inihalintulad sa isang mababang punongkahoy. Ang mga aba at may kababaang-loob ay itatampok Niya sa lahat upang mahayag ang Kanyang kadakilaan. Inihahayag ng Panginoong Diyos ang Kanyang kadakilaan sa pamamagitan ng pagtampok sa mga nasa abang kalagayan. Hindi mananatili ang mga aba sa kanilang kalagayan sapagkat sila'y itatampok ng Diyos. Ang Diyos ay nasa panig ng mga aba at may kababaang-loob. 

Ang paksa ng pahayag ng Diyos sa Unang Pagbasa ang paksang pinagtuunan ng pansin sa mga talinghaga ni Hesus sa Ebanghelyo. Si Hesus, ang Diyos na nagkatawang-tao, ay nangaral tungkol sa Kanyang pagkiling sa mga aba at mga may kababaang-loob. Kung paanong ang isang maliit na binhi na inihasik ng isang magsasaka ay nagkakaroon ng bunga sa pagtubo at paglago nito, at kung paanong ang isang butil ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi ay nagiging isang napakalaking puno - ang pinakamalaking puno sa lahat, gayon din naman, ang mga nasa abang kalagayan ay itatampok ng Panginoon. 

Katatagan ng loob at pag-asa ang hatid ng mga salitang ito sa lahat, lalung-lalo na sa mga nasa abang kalagayan. Ito ang isinalungguhit ni Apostol San Pablo sa pambungad ng Ikalawang Pagbasa noong sinabi niyang laging malakas ang kanyang loob (5, 6). Si Apostol San Pablo ay puno ng katatagan ng loob dahil batid niyang kinalulugdan ng Diyos ang kanyang kababaang-loob. Si Apostol San Pablo ay naglingkod at tumalima sa Diyos nang buong kababaang-loob. Ang kababaang-loob at pananalig ni Apostol San Pablo na nahayag sa kanyang pagtalima't paglingkod bilang misyonerong nangangaral at sumasaksi sa Mabuting Balita sa bawat bansa sa daigdig ay kalugud-lugod sa paningin ng Panginoong Diyos. At sabi ni Apostol San Pablo, iyon lamang ang kanyang hinahangad nang higit sa lahat - ang kalugdan siya ng Diyos (5, 9). 

Nalulugod ang Diyos sa mga aba at mga may kababaang-loob. Kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ang pagmamataas, ang kayabangan. Ang birtud ng kababaang-loob ay kalugud-lugod sa Kanyang paningin. Kung ang bawat isa sa atin na nananalig at sumasampalataya sa Diyos ay magpapakita ng kababaang-loob sa pamamagitan ng ating mga kilos at salita, tayong lahat ay magiging kalugud-lugod sa Kanyang paningin sapagkat ang bawat taong nagpapakumbaba ay tunay na naglilingkod at tumatalima sa Kanya.  At mayroong gantimpalang inilaan ang Diyos para sa mga aba at mga mapagpakumbabang tumatalima sa Kanya - ang buhay na walang hanggan sa piling Niya sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento