Martes, Hunyo 26, 2018

KATAPATANG IPINAGMAMALAKI

29 Hunyo 2018 
Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo 
Mga Gawa 12, 1-11/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 17-18/Mateo 16, 13-19 



Inilarawan sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa ang ilan sa mga pagsubok na hinarap ng dalawang dakilang santo ng Simbahan na sina Apostol San Pedro at San Pablo. Tulad ng kanilang mga kapwa apostol at misyonero, sina Apostol San Pedro at San Pablo ay humarap sa mga matitinding pagsubok sa kanilang pagmimisyon bilang mga saksi ni Kristo. Ang pangangaral at pagtuturo tungkol sa Ebanghelyo ay napakahirap para sa lahat ng mga apostol sa mga sandaling yaon, lalung-lalo na't sila'y nagiging mga biktima ng pag-uusig na nagsimula pa sa Herusalem. 

Maraming dahilan para itigil at talikuran ng mga apostol tulad nina Apostol San Pedro at San Pablo ang pagmimisyon bilang mga saksi ni Kristo sa iba't ibang bansa sa daigdig. Marami silang dahilan para tumiwalag mula sa Simbahan. Subalit, sa kabila ng lahat ng iyon, nanatili pa ring tapat sa kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo sa bawat sulok ng daigdig ang mga apostoles, lalung-lalo na sina Apostol San Pedro at San Pablo. Patuloy silang nangaral at nagbigay ng patotoo tungkol sa ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Kristo Hesus hanggang sa araw ng kanilang kamatayan. Karamihan sa mga apostol at misyonero noong kapanahunang yaon tulad nina Apostol San Pedro at San Pablo ay namatay bilang mga martir. Tanging si Apostol San Juan lamang ang hindi namatay bilang martir. 

Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang paghirang ng Panginoong Hesus kay Apostol San Pedro bilang unang Santo Papa ng Simbahan. Ang mga susi ng kaharian ng langit ay ibinigay ni Hesus kay Apostol San Pedro upang maging tanda ng kanyang kapangyarihan dito sa lupa bilang Kanyang kinatawan. Subalit, ang tungkulin at titulong ibinigay sa kanya ni Hesus bilang unang Santo Papa ng Simbahan ay hindi nangangahulugang magiging maginhawa ang lahat para sa kanya. Maraming mga pagkakataon sa buhay kung saan susubukin ang kanyang pananalig sa Panginoon. May mga madidilim na sandali sa buhay na kailangang harapin at danasin ni Apostol San Pedro. Tulad na lamang ng salaysay sa Unang Pagbasa kung saan siya'y idinakip at ibinilanggo ni Haring Herodes para matupad ang kanyang balak na siya'y iharap sa bayan pagkatapos ng Pista ng Tinapay na Walang Lebadura. 

Si Apostol San Pablo naman ay dating tagausig ng mga sinaunang Kristiyano. Ang layunin ni Apostol San Pablo noon ay ibagsak ang Simbahan. Nais niyang mabigo ang mga sinaunang Kristiyano at tumiwalag mula sa kanilang pananampalataya kay Kristo. Subalit, nagbago ang kanyang buhay noong nakatagpo niya ang Panginoong Hesukristo sa daang patungong Damasco. Mula noon, ginampanan niya ang misyong ibinigay sa kanya ng Panginoong Hesukristo bilang apostol sa mga Hentil. Ang kanyang buhay bilang misyonero ni Kristo Hesus sa mga Hentil ay hindi naging madali para sa kanya. Marami siyang mga pinagdaanan sa kanyang buhay bilang misyonero ng Simbahan. Ang mga pinagdaanan ni Apostol San Pablo ay kanyang ibinuod sa Ikalawang Pagbasa noong winika niyang, "Puspusan akong lumaban sa paligsahan. Natapos ko na ang dapat kong takbuhin." (4, 7)

Ang mga pagsubok na dinanas nina Apostol San Pedro at San Pablo bilang dalawa sa mga apostol at misyonero ng sinaunang Simbahan ay mga sapat na kadahilanan para itigil ang kanilang pagmimisyon at tumiwalag mula sa Simbahan. Masyadong mabigat ang responsibilidad na ibinigay sa kanila. May mga kaakibat na pagsubok ang kanilang buhay bilang mga misyonero. Kung tutuusin, mas maginhawa pa ang kanilang buhay bago nila nakilala ang Panginoon. Mas maginhawa pa nga ang dati nilang pamumuhay kung saan hindi sila inuusig dahil kay Kristo. 

Batid nina Apostol San Pedro at San Pablo na mas maginhawa pa ang dati nilang pamumuhay bago sila naging mga apostol ni Kristo. Subalit, kahit batid nila ito, mas pinili pa rin nilang gampanan ang kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo sa iba't ibang panig ng daigdig. Kahit mahirap gawin iyon, mas pinili nilang manatiling tapat sa Panginoon at sa Simbahan kaysa tumalikod at tumigil sa kanilang pagmimisyon. Nanaisin pa nilang mamatay alang-alang kay Kristo at sa Ebanghelyong sinasampalatayanan ng Simbahan kaysa mamuhay nang maginhawa sa mundo na kung saan ang lahat ng bagay ay pansamantala lamang. 

Sabi nga ni Apostol San Pablo sa bandang huli ng Ikalawang Pagbasa na ang Panginoon ang magliligtas sa kanya at maghahatid sa kanya sa Kanyang kaharian sa langit (4, 18). Ipinakita nga nina Apostol San Pedro at San Pablo ang kanilang pananalig sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtupad sa kanilang misyon bilang mga misyonerong sumasaksi sa Kanya. Nanalig silang lagi nilang kasama ang Panginoon na pumapatnubay sa kanila at nagbibigay sa kanila ng katatagan, tulad ng sinabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa (4, 17). Dahil sa kanilang pananalig sa pamamatnubay ng Panginoon saanman sila pumaroon, ang mga apostol tulad nina Apostol San Pedro at San Pablo ay nanatiling tapat sa kanilang misyon bilang Kanyang mga saksi sa iba't ibang panig ng daigdig. 

Sina Apostol San Pedro at San Pablo ay ipinagmamalaki ng Simbahan dahil sa kanilang katapatan sa Panginoon at sa Mabuting Balita. Sa kabila ng mga pagkakataon sa buhay kung saan maaari na lamang sila sumuko, tumigil, at tumalikod sa kanilang pagmimisyon, ipinasiya nilang manatiling tapat sa Simbahan. Batid nila ang mga kahirapan sa kanilang pamumuhay bilang mga misyonero. Subalit, sa kabila ng lahat ng iyon, mas ninais nilang ialay ang kanilang buhay para sa Panginoong Hesus at sa Mabuting Balita na sinasampalatayanan at ipinapangaral ng Simbahang Kanyang itinatag. Sa pamamagitan ng kanilang desisyong manatiling tapat sa kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo, inihayag nina Apostol San Pedro at San Pablo ang kanilang pananalig sa Kanya, ang Panginoong laging pumapatnubay at sumasama sa kanila saan man sila pumunta. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento