Sabado, Hunyo 2, 2018

ANG BAGO AT WALANG HANGGANG TIPAN

3 Hunyo 2018 
Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon (B) 
Exodo 24, 3-8/Salmo 115/Hebreo 9, 11-15/Marcos 14, 12-16. 22-26 


Wika ni Moises sa Unang Pagbasa habang winisikan niya ang mga Israelita ng dugo, "Ang dugong ito ang siyang katibayan ng pakikipagtipang ginawa sa inyo ng Panginoon sa pagbibigay sa inyo ng kautusang ito." (24, 8) Sa mga katagang ito'y inilarawan kung bakit napakahalaga ang pakikipagtipan ng Diyos sa Kanyang bayan. Sa pamamagitan ng pakikipagtipan o pakikipagkasundo, ipinapakita ng Dios ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob sa Kanyang bayan. Nais ng Panginoong Diyos na lalong mapalapit sa Kanyang bayan, kahit ilang ulit silang nagkasala laban sa Kanya. Ang pakikipagtipan ng Diyos sa Kanyang bayan ang nagpapahayag ng Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob para sa kanila. Pinagtitibay ito ng dugo ng mga hayop na pinaslang para sa paghahandog - kalahati ng dugo nito'y ibubuhos sa altar kung saang gaganapin ang paghahandog at ang isa pang kalahati nito'y ilalagay sa isang mangkok upang magamit sa pagwiwisik sa mga tao, tulad ng nakasaad sa salaysay ng Unang Pagbasa. 

Dumating ang panahon kung kailan ipinasiya ng Diyos na gumawa ng isang panibagong kasunduan sa pagitan Niya at ng sangkatauhan na hinding-hindi mababali kailanman. Isinalaysay ito sa Bagong Tipan. Ang panibagong tipang ginawa ng Diyos sa pagitan Niya at ng sangkatauhan na inilarawan sa Bagong Tipan ay walang hanggan. Ang Dugo ng Bugtong na Anak Niyang si Kristo Hesus ang katibayan sa walang hanggang tipang ginawa ng Diyos sa pagitan Niya at ng sangkatauhan. Ang Banal na Dugong ito'y dumaloy mula sa Kanyang tagiliran  noong Siya'y mamatay sa krus para sa ating kaligtasan (Juan 19, 34). 

Ang Bagong Tipang ginawa ng Diyos sa pagitan Niya at ng sangkatauhan na binigyang katibayan ni Kristo ang paksang isinalungguhit ng Ikawalang Pagbasa at Ebanghelyo para sa Dakilang Pistang ito. Sa pamamagitan ni Kristo, ang Diyos ay gumawa ng isang panibagong kasunduan sa pagitan Niya at ng tao na walang hanggan. Ang dakilang paghahain ng sarili ni Kristo sa bundok ng Golgota ang nagbigay ng katibayan sa Bagong Tipang ito na walang hanggan. 

Tinalakay ng manunulat ng Ikalawang Pagbasa ang isang titulo ni Hesus - ang titulo ng Dakilang Saserdote. Isinalungguhit niya kung paanong ang paghahandog ni Kristo ay higit pa sa paghahandog ng mga saserdote. Kung ang mga hayop tulad ng mga batang tupa, kambing, o bisirong baka ang ginamit ng mga saserdote upang ihandog sa Diyos para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng bayan, inihandog ni Kristo ang buo Niyang sarili para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng lahat ng tao (9, 14). At ang paghahandog ni Kristo ng Kanyang sarili sa krus alang-alang sa ating lahat ay kinalugdan at tinanggap ng Amang nasa langit. 

Isinalaysay sa Banal na Ebanghelyo ang pagkakatatag sa Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Itinatag ng Panginoong Hesus ang Banal na Eukaristiya noong bisperas ng Kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa krus. Ibinigay ni Hesus ang Kanyang sarili upang maging ating espirituwal na pagkain at inumin. Ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya na itinatag ni Hesus sa gabi bago Siya mamatay ay patuloy na ipinagdiriwang araw-araw. Sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa, si Hesus ay nagiging kapiling natin sa anyo ng tinapay at alak. Hindi isang simbolo o sagisag ni Hesus ang tinapay at alak; Siya iyon mismo sa anyo ng tinapay at alak. Sa pamamagitan ng pagtanggap sa Kanya, tayong lahat ay Kanyang nililinis at dinadalisay. Sa tuwing tinatanggap natin ang Kanyang Katawan at Dugo sa Banal na Misa, patuloy Niyang ipinagkakaloob sa atin ang biyaya ng kaligtasang kaloob Niya - ang Dakilang Saserdote ng Bagong Tipan na naghandog ng buo Niyang sarili alang-alang sa ating lahat na lubos Niyang minamahal. 

Ang Bago at Walang Hanggang Tipang ginawa ng Diyos sa pagitan Niya at ng sangkatauhan ang pinakadakilang pagpapahayag ng Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob para sa ating lahat. Isang panibagong kasunduan na hinding-hindi mawawalan ng saysay ang ginawa ng Diyos sa pagitan Niya at ng tao. Ang Panginoong Hesukristo ang katibayan ng Bagong Tipang ito. 

Itinatag ng Panginoong Hesus ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya upang ang ating puso't isipan ay mamulat sa katotohanang tayong lahat ay tunay Niyang minamahal. Ang tinapay at alak na ating tinatanggap sa Banal na Misa ay ang Kanyang Katawan at Dugo. Inihandog Niya ang Kanyang Katawan at Dugo upang tayong lahat ay maligtas. Patuloy Niyang ibinibigay ang Kanyang Katawan at Dugo sa Banal na Eukaristiya upang lalo nating maramdaman ang Kanyang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob na walang hanggan. Ito ang natatanging dahilan kung bakit ginawa ng Diyos ang Bago at Walang Hanggang Tipan sa pagitan Niya at ng sangkatauhan na binigyang katibayan ni Hesus. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento