27 Hunyo 2018
Kapistahan ng Mahal na Ina ng Laging Saklolo
Juan 19, 25-27
Sa titulong "Ina ng Laging Saklolo", napakalinaw ng pagsasalungguhit sa pagiging matulungin ng Mahal na Inang si Maria. Ang Mahal na Birheng Maria ay ipinapakilala sa atin ng Simbahan bilang Inang laging handang tumulong sa kanyang mga anak. Walang sandaling pinalalampas ang Mahal na Ina. Ni minsan ay naging manhid ang Mahal na Ina sa pagdaing ng kanyang mga anak. Lagi siyang handang humingi ng tulong para sa atin sa Panginoong Hesus. Kaya nga, pinagtutuunan ng pansin sa titulong ito ay ang huling dalawang salita nito, "Laging Saklolo". Si Maria ang Ina na laging sumasaklolo sa kanyang mga anak.
Sa Ebanghelyo, ipinakilala ni Hesus na nakapako sa krus kay Apostol San Juan na kumakatawan sa sambayanang Kristiyano sa mga sandaling yaon ang Mahal na Birheng Maria bilang Ina. Sa pamamagitan ni Maria, si Hesus ay nagbigay ng Ina sa Simbahan. Binigyan tayo ng Ina ni Hesus upang lagi tayong tulungan at samahan sa bawat sandali ng ating paglalakbay sa buhay. At ang inang ibinigay ni Hesus sa atin ay walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria. Bilang ating Mahal na Ina, ang Mahal na Birheng Maria ay laging nananalangin para sa atin. Tayo'y lagi rin niyang kinupkop sa kanyang mantel. Ipinapakita niya ang kanyang pag-ibig at pagkalinga sa pamamagitan ng pakikiisa at pag-aalay ng mga panalangin para sa ating lahat. At walang sandaling lumipas na kung saan kinaligtaan ng Mahal na Birheng Maria ang pagiging ina para sa ating lahat.
Isang ina ang ibinigay ng Panginoong Hesukristo sa ating lahat na bumubuo sa Kanyang Simbahan. Isang ina ang ibinigay ng Panginoong Hesus sa ating lahat upang tayo'y samahan at saklolohan sa bawat sandali ng ating buhay. At iyon ay walang iba kundi ating Mahal na Inang si Maria. Ang Mahal na Birheng Maria ay ipinagkaloob sa atin upang maging ating Inang laging kumakalinga at sumasaklolo sa atin. Hindi siya tumigil sa pagpapadama ng kanyang pagkupkop, pagkalinga, at pagtulong sa atin kahit minsan. Lagi tayong sinasamahan, kinakalinga, dinadamayan, at tinutulungan ng Mahal na Inang si Maria. Sa pamamagitan ng kanyang patuloy na pananalangin para sa atin sa bawat araw, tayong lahat ay tinutulungan ng Mahal na Inang si Maria. Ganyan tayo kamahal ng ating Inang Mahal na si Mariang Birhen.
Tayong lahat ay binigyan ni Hesus ng Ina sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria. Huwag tayong mahiyang lumapit at dumulog sa ating Inang si Maria upang hingin ang kanyang saklolo. Huwag tayong mahiyang hilingin sa kanya na tayo'y tulungan sa pamamagitan ng kanyang mga panalangin. Laging handang sumaklolo ang Mahal na Inang si Maria sa pamamagitan ng kanyang mga panalangin. Kaya naman, si Maria ay kilala natin bilang Mahal na Ina ng Laging Saklolo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento