Biyernes, Hunyo 8, 2018

AUTENTIKONG PAG-IBIG AT PANANALIG

9 Hunyo 2018 
Paggunita sa Kalinis-linisang Puso ng Birheng Maria 
Isaias 61, 9-11/1 Samuel 2/Lucas 2, 41-51 


Sinasagisag ng Kalinis-linisang Puso ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang pag-ibig para sa Diyos. Ang mga ginawa ni Maria na nagpapahayag ng pagpupuri at pagtitiwala sa Diyos ang nagpapatunay sa kanyang pag-ibig. Kahit may mga sandaling hindi niya maunawaan ang plano ng Diyos, pinili pa rin ni Maria na tumalima at manalig sa Kanya. Hindi niya ipinagpilit ang kanyang mga plano na mas nauunawaan niya. Subalit, buong puso niyang itinalaga ang kanyang sarili sa Diyos. Ang pagtatalaga ng sarili ni Maria sa Panginoon ay kanyang inihayag sa pamamagitan ng kanyang pagtalima at pananalig. 

Batid ng Mahal na Inang si Maria ang pangakong pagliligtas ng Diyos. Batid ni Maria ang pangakong binitiwan ng Diyos nang paulit-ulit sa Kanyang bayan sa Lumang Tipan. Isang halimbawa ng pagkakataon sa Lumang Tipan kung saan inihayag ng Diyos ang Kanyang pangakong pagliligtas sa Kanyang bayan ay ang huling bahagi sa Unang Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias. Batid ni Maria na tutuparin ng Diyos ang Kanyang pangako pagdating ng panahon. At ang takdang panahon ay dumating noong ang Diyos ay bumaba mula sa langit at naging tao katulad natin, maliban sa kasalanan, sa pamamagitan ni Hesus. 

Hindi inakala ni Maria na siya ang magiging ina ng Tagapagligtas. Hindi niya inakala na siya ang hihirangin ng Diyos para sa tungkuling iyon. Hindi niya akalain na siya na isang simpleng dalaga ang hihirangin ng Diyos sa lahat ng mga babae sa mundo upang gampanan ang responsibilidad na iyon. Isang hamak na babae ang itinampok ng Diyos sa lahat ng kababaihan. Ang magiging ina ng Manunubos ay hindi nagmula sa isang pamilyang mataas ang posisyon sa lipunan kundi sa isang pamilyang mababa ang posisyon sa lipunan. Siya na isang babae mula sa kahirapan ay pinagpala at pinarangal ng Diyos sa lahat ng mga babae, subalit ang pagpapalang iyon ay may kaakibat na pananagutan at mga pagsubok na haharapin at dadanasin sa pagtupad sa responsibilidad na iyon. 

Ang salaysay sa Ebanghelyo ay tungkol sa isa sa mga sandali sa buhay ni Maria kung saan siya'y humarap sa isang matinding pagsubok bilang ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus. Tatlong araw na nawala si Hesus. Ang tatlong araw na iyon ay ginugol nina Maria at Jose sa paghahanap sa Batang Hesus. Punung-puno ng hapis at balisang-balisa ang Mahal na Inang si Maria sa mga sandaling yaon. Inilarawan sa salaysay na iyon kung gaano kahirap para sa Mahal na Inang si Maria ang responsibilidad na ibinigay ng Diyos. Subalit, sa kabila ng pagsubok na iyon, nanatiling tapat sa Diyos ang Mahal na Birhen. Patuloy pa ring ibinigay ni Maria ang buo niyang pag-ibig, pananalig, at pagsamba sa Diyos. Nanalig siya na tutulungan siya ng Diyos na lampasan ang pagsubok na iyon. Ang Batang Hesus ay natagpuan nina Maria at Jose sa Templo sa ikatlong araw ng kanilang paglilibot at paghahanap para sa Kanya. 

Sa kabila ng mga pagsubok na hinarap ng Mahal na Inang si Maria sa kanyang buhay, hindi siya nawalan ng pag-ibig at pananalig sa Diyos. Bagkus, patuloy niyang ibinigay ang kanyang pag-ibig at pananalig sa Diyos. Ipinakita ng Mahal na Inang si Maria ang kanyang pag-ibig at pananalig sa Diyos sa pamamagitan ng pagtalima sa Kanya. Kaya nga, si Maria ay pinagpala at itinampok ng Diyos dahil sa kanyang pananalig at pag-ibig para sa Kanya na sinasagisag ng kanyang Kalinis-linisang Puso. Ang Kalinis-linisang Puso ng Mahal na Birheng Maria ang sagisag ng pag-aalay ng buo niyang sarili sa Dios. Ang Kalinis-linisang Puso ng Birheng Maria ang larawan ng kanyang tunay at autentikong pag-ibig at pananalig sa Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento