Sabado, Hunyo 9, 2018

TAGUMPAY NA NAGHAHAYAG NG PAG-IBIG

10 Hunyo 2018 
Ikasampung Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Genesis 3, 9-15/Salmo 129/2 Corinto 4, 13-5, 1/Marcos 3, 20-35 


Tinalakay sa mga Pagbasa ang tagumpay ng Diyos laban sa demonyo. Katunayan, ang pinakamaikling buod ng Banal na Bibliya ay ibinunyag sa paksang tinalakay sa mga Pagbasa. Ang sangkatauhang nilikha ng Diyos ay nalugmok sa kasalanan, subalit ipinakita ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob sa pamamagitan ng pagtubos sa ating lahat. Ang Diyos ay bumaba mula sa langit at nagkatawang-tao sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Ang pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo ang naghayag ng Kanyang maluwalhating kapangyarihan. Sa pamamagitan ni Kristo, ang tagumpay ng Diyos laban sa demonyo ay nahayag at naipamalas sa lahat. Ang kapangyarihan ng Diyos na nagwagi laban sa kapangyarihan ng demonyo ay isinalarawan ng Pasyon at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. 

Ang pangakong pagtubos sa sangkatauhan ay unang inihayag ng Diyos sa salaysay sa Unang Pagbasa. Inihayag ng Diyos na darating ang takdang panahon kung kailan dudurugin ang ulo ng ahas. Ang pagdurog sa ulo ng ahas ang hudyat ng pagbagsak at katapusan ng demonyo. Ang dudurog sa ulo ng ahas, ang tatalo sa demonyo, ay iluluwal ng isang babae. Ang Mesiyas at Manunubos na si Hesus ang dudurog sa ulo ng ahas na si satanas at ang magluluwal sa Kanya ay walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria. Ang Panginoong Hesus at ng Mahal na Inang si Maria ang tatalo kay Satanas. Sa pamamagitan ng Panginoong Hesus na iniluwal mula sa sinapupunan ng Mahal na Inang si Maria, si Satanas ay natalo. 

Hindi matanggap ni Satanas magpahanggang ngayon na tinalo siya ni Hesus. Kaya ginagawa pa rin niya ang lahat upang mapahamak ang bawat isa sa atin. Tinutukso tayo ni Satanas upang matiyak ang ating kapahamakan. Isa iyon sa mga taktikang kanyang ginagamit sa digmaang espirituwal sa pagitan niya at ng Panginoon na nagpapatuloy magpahanggang ngayon. Subalit, ipinagkaloob sa atin ni Hesus ang biyaya ng kaligtasan. Minsan Niyang ialay ang Kanyang buhay sa Kalbaryo para sa ating kaligtasan. Sa pamamagitan nito'y binigyan tayo ng pag-asang makapiling Siya sa Kanyang kaharian sa langit sa katapusan ng ating buhay dito sa lupa. Ang Panginoong Diyos ay makakapiling natin sa langit na Kanyang kaharian kung hahayaan natin Siyang maging tagapagsanggalang natin araw-araw laban sa mga tukso ng diyablo at maging hari ng ating buhay.

Inihayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na hindi siya pinaghihinaan ng loob (4, 16). Sa kabila ng mga pagsubok sa buhay, sa kabila ng panghihina ng kanyang pangangatawan dahil sa mga pisikal na pag-uusig sa kanya, nanatiling matibay ang pananampalataya at pananalig ni Apostol San Pablo sa Diyos. Ang Diyos na tumubos sa lahat sa pamamagitan ng Pasyon at Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo ang nagbibigay ng katatagan ng loob sa bawat isa sa mga sandali ng pagsubok sa buhay. Hindi hahayaan ng Diyos na nagtagumpay laban sa diyablo sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo Hesus na ang bawat isa na nananalig at sumasampalataya sa Kanya ay panghinaan ng loob. Sa halip, pinapatatag ng Diyos ang loob ng bawat isa na nananalig at sumasampalataya sa Kanya nang buong puso't kaluluwa. 

Sa Ebanghelyo, sinagot ng Panginoong Hesus ang mga paratang na Siya'y inaalihan ng prinsipe ng mga demonyo na nagngangalang Beelzebul sa pamamagitan ng mga patalinhagang salita. Inilarawan ni Hesus sa Kanyang kasagutan na hindi mula kay Beelzebul ang Kanyang kapangyarihang magpalayas ng mga masasamang espiritu. Ang Kanyang pagpapalayas ng masasamang espiritu mula sa mga inaalihan ng mga ito ang nagpapatunay na Siya'y higit na makapangyarihan kaysa sa demonyo. Wala si Hesus sa impluwensya o sa ilalim ng kapangyarihan ng demonyo. Ang Kanyang kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo ang nagpapatunay na Siya ang Diyos na bumaba mula sa langit at nagkatawang-tao upang tayong lahat ay iligtas at palayain mula sa pagkaalipin at pagkabihag sa ilalim ng kapangyarihan ng demonyo na walang ibang hinangad kundi ang ating kapahamakan. 

Ang pinakadakilang pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos sa bawat tao ay ang kaligtasan mula sa kapangyarihan ng kasamaan. Ang Diyos ay bumaba mula sa langit at naging tao katulad natin sa pamamagitan ni Hesus upang maging Mesiyas at Manunubos natin. Sa pamamagitan ng Diyos Anak na si Hesus, ang Diyos ay nagtagumpay laban sa demonyo. At ang tagumpay ng Diyos laban sa demonyo sa pamamagitan ni Kristo ang naghayag at nagpamalas ng Kanyang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob para sa ating lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento