Martes, Hunyo 5, 2018

PUSO NG TUNAY NA NAGMAMAHAL

8 Hunyo 2018 
Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus (B) 
Oseas 11, 1. 3-4. 8k-9/Isaias 12/Efeso 3, 8-12. 14-19/Juan 19, 31-37 


Ang paksang tinatalakay sa mga Pagbasa para sa Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus ay ang dakilang pag-ibig ng Diyos. Nagsisilbing sagisag ng dakilang pag-ibig ng Diyos ang larawan ng Mahal na Puso ni Hesus. Ipinapaalala ni Hesus sa lahat sa pamamagitan ng pagpapakita ng Kanyang Mahal na Puso na tunay at wagas ang dakilang pag-ibig ng Diyos. At ang dakilang pag-ibig ng Diyos na tunay at wagas ay walang hanggan. Tanging sa Diyos lamang matatagpuan ng bawat isa ang tunay na walang hanggan. 

Inilahad ni propeta Oseas sa Unang Pagbasa ang isang pahayag mula sa Diyos para sa Kanyang bayan. Sa pahayag na ito, inilarawan ng Diyos kung gaano Niya inibig at kinalinga ang Kanyang bayan sa simula pa lamang. Ipinakita ng Diyos ang Kanyang pagmamahal para sa Kanyang bayan sa pamamagitan ng pag-aaruga at pagbibigay ng gabay sa kanila. Subalit, ang Diyos ay nasaktan dahil paulit-ulit na nilabag ng Kanyang bayan ang Kanyang mga utos. Siya'y itinakwil at tinalikuran ng Kanyang bayan. Labis-labis ang sakit na naramdaman ng Diyos dahil sa kanilang mga ginawa laban sa Kanya. Subalit, sa kabila ng lahat ng iyon, inihayag ng Diyos na hindi Niya ipapakita ang Kanyang poot sa kanila. Bagkus, ipapakita Niya sa kanila ang Kanyang habag at malasakit (8k-9). Nanaig ang pagiging mahabagin at mapagmalasakit ng Panginoong Diyos sa kabila ng mga pagkukulang at pagkakasala ng Kanyang bayan laban sa Kanya. 

Nagsalita si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa kanyang misyon bilang saksi ni Kristo sa mga Hentil. Inihayag ni Apostol San Pablo na siya'y iniatasan ng Diyos na maging isang misyonero. Sa pamamagitan ng kanyang pagmimisyon sa mga Hentil, makilala ng lahat ang Diyos na mapagmahal. Hinirang si Apostol San Pablo ng Panginoon upang ipakilala Siya sa lahat ng tao mula sa iba't ibang bansa sa daigdig bilang Diyos na tunay na mapagmahal at mapag-aruga. Ang pagmamahal ng Diyos ay Kanyang ipinamalas sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. 

Tampok sa salaysay sa Ebanghelyo ang mga kaganapan matapos malagutan ng hininga ang Panginoong Hesus na nakabayubay mula sa krus. Matapos sibatin ng isa sa mga kawal ang tagiliran ni Hesus na sinundan ng pagdaloy ng dugo at tubig mula sa Kanyang tagiliran, Siya'y pinagmasdan ng kawal na iyon. Ito'y ipinahiwatig ni San Juan sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo noong binanggit niya ang isang talata mula sa aklat ni propeta Zacarias (12, 10) kung saan nasusulat, "Pagmamasdan nila ang kanilang inulos." (19, 37) 

Ang talatang ito na mula sa ika-12 kabanata ng aklat ni propeta Zacarias ay nagpapatuloy sa pamamagitan ng mga salitang ito, "Tatangisan nila Siya na parang kaisa-isang anak o anak na panganay." (12, 10) Subalit, walang sinabi si San Juan ukol sa reaksyon ng kawal na sumibat kay Hesus o kung mayroon man siyang reaksyon. Nababatid lamang natin na pinagmasdan ng kawal na ito si Hesus na nalagutan ng hininga matapos niyang sibatin ang tagiliran ng Panginoon. At habang pinagmamasdan niya ang Panginoong Hesus na nalagutan ng hininga sa krus, nakita ng kawal ang isang tunay na nagmamahal. Nakita niya ang sukdulan ng pag-ibig ng isang tunay na nagmamahal. Nakita niya ang tunay at ganap na pag-ibig na hinding-hindi matatagpuan sa sanlibutan sa pamamagitan ng kanyang inulos - ang Panginoong Hesukristo na nakabayubay sa krus. 

Sinasagisag ng Mahal na Puso ni Hesus ang Kanyang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob para sa ating lahat. Ipinakita Niya ang Kanyang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob para sa ating lahat sa pamamagitan ng Kanyang pagkakatawang-tao. Kahit na maaari na lamang Siya manatili sa langit kasama ng Ama at ng Espiritu Santo, ipinasiya ng Anak na si Hesus na ipamalas at ihayag sa lahat ang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang pagyakap at pagtanggap sa ating pagkatao (maliban sa kasalanan). Noong dumating ang takdang panahon, inialay ni Hesus ang Kanyang buhay sa krus upang tayong lahat ay maligtas. Sa pamamagitan ng pagtubos sa atin, inihayag at ipinamalas ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus kung gaano Niya tayo kamahal. 

Iisa lamang ang nais iparating sa atin ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng pagpapakita ng Kanyang Kamahal-mahalang Puso - tunay Niya tayong iniibig at kinahahabagan. Sa pamamagitan ng Panginoong Hesus, nahayag ang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos. Tunay tayong mapalad sapagkat mayroon tayong Diyos na tunay na nagmamahal at nagmamagandang-loob. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento