Huwebes, Mayo 14, 2020

MAY PUMAPATNUBAY SA ATIN

17 Mayo 2020 
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A) 
Mga Gawa 8, 5-8. 14-17/Salmo 65/1 Pedro 3, 15-18/Juan 14, 15-21 


Ipinangako ni Hesus sa mga apostol sa Ebanghelyo para sa araw na ito na sila'y sasamahan at papatnubayan ng Espiritu Santo sa bawat sandali ng kanilang buhay (Juan 14, 16-17). Ang mga apostol ay may kasama sa bawat sandali ng kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Bukod pa roon, hindi lamang basta isang kasama sa paglalakbay kundi isa ring Patnubay. Iyan ang Espiritu Santo. Sasamahan ng Espiritu Santo ang mga apostol sa bawat sandali ng kanilang pagmimisyon upang sila'y tulungan. Hindi pababayaan ang mga apostol na mahirapan at mabigo sa pagtupad sa misyong ibinigay sa kanila ng Panginoong Hesukristo. Sasamahan sila't tutulungan ng Espiritu Santo. 

Ang mga kaganapang tampok sa salaysay sa Unang Pagbasa ay isang maliwanag na halimbawa kung paanong ang mga apostol ay tinulungan at pinatnubayan ng Espiritu Santo. Si Apostol San Felipe ay tinulungan ng Espiritu Santo sa kanyang paglalakbay at pagmimisyon sa Samaria. Tinulungan ng Espiritu Santo si Apostol San Felipe sa pangangaral tungkol sa ipinangakong Mesiyas na si Hesus. Kumilos rin ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng mga himalang ginawa ni Felipe. Hindi ginawa ni Felipe ang mga himalang iyon gamit ang sariling kapangyarihan. Bagkus, kumilos ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng mga himalang ginawa ni Felipe. Si Felipe ay isa lamang simpleng instrumento ng Panginoon. Ang Espiritu Santo ang may gawa ng mga kababalaghang nasaksihan ng mga taga-Samaria. Dahil sa mga ginawa ng Espiritu Santo sa pamamagitan ni Apostol San Felipe na nasaksihan naman ng mga taga-Samaria, tinanggap nila ang Salita ng Diyos na ipinangaral sa kanila (Mga Gawa 8, 14). Hindi binigo ng Espiritu Santo si Felipe. Tinulungan at ginabayan ng Espiritu Santo si Felipe sa kanyang misyon. 

"Higit na mainam ang kayo'y magdusa dahil sa paggawa ng mabuti, sakali mang loobin ito ng Diyos, kaysa magdusa kayo dahil sa paggawa ng masama." (1 Pedro 3, 17). Ito ang mga sinabi ni Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa. Nangaral siya tungkol sa pagiging matapat sa Diyos sa kabuuan ng Ikalawang Pagbasa. Mahirap maging tapat sa Diyos sa lahat ng oras, lalung-lalo na sa mga sandali ng kagipitan o pagsubok. Gustuhin man nating maging tapat sa Panginoon sa lahat ng oras, hindi madaling gawin iyan. Subalit, itinuturo ni Apostol San Pedro na dapat piliin pa rin nating maging tapat sa Panginoong Diyos sa kabila ng mga pagsubok na hinaharap natin sa buhay. Ito ang dapat nating gawin. Kailangan nating maging tapat sa Panginoong Diyos sa mga sandali ng hirap at ginhawa. Ang bawat isa sa atin ay tutulungan ng Espiritu Santo na gawin ito. Ang Espiritu Santo ang hihimok sa atin na maging matapat sa Panginoon. Tutulungan tayo ng Espiritu Santo na tuparin at sundin ang aral na ito na inilahad ni Apostol San Pedro, ang unang Santo Papa ng Simbahan. Ang Espiritu Santo ang papatnubay at gagabay sa ating lahat upang tayo'y mamuhay nang matapat sa Panginoong Diyos. 

Patuloy na pinapatnubayan at sinasamahan ng Espiritu Santo ang Simbahan sa kasalukuyan. Sa kabila ng mga pagsubok at salot na naganap sa kasaysayan ng daigdig, tulad na lamang ng mga pandemiya, ang Simbahan ay hindi pinabayaan ng Espiritu Santo kailanman. Laging sinasamahan ng Espiritu Santo ang Simbahan mula noon hanggang ngayon. Hindi ito magbabago kailanman. Ang Simbahan ay laging sasamahan, tutulungan, at gagabayan ng Espiritu Santo. 

Tayong lahat na bumubuo sa nag-iisang Simbahang itinatag ng Panginoong Hesus sa daigdig ay tunay na pinagpala. Tayong mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahan na itinatag ng Panginoong Hesukristo ay mapalad sapagkat hindi Niya tayo pinababayaan kailanman. Hindi Niya tayo pinabayaang mag-isa at mabigo. Ipinagkaloob ni Hesus ang Espiritu Santo upang maging ating kasama at gabay sa lahat ng oras. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento