Huwebes, Hunyo 25, 2020

TAOS-PUSONG PAGTANGGAP SA PANGINOON

28 Hunyo 2020 
Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
2 Hari 4, 8-11. 14-16a/Salmo 88/Roma 6, 3-4. 8-11/Mateo 10, 37-42 


Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay tungkol sa pagtanggap sa Diyos. Ang bawat isa sa atin ay makakapulot ng aral mula sa mga Pagbasa para sa araw na ito tungkol sa pagtanggap sa Panginoong Diyos. Sa tulong ng mga Pagbasa para sa Linggong ito, matututunan natin ang kahulugan ng pagtanggap sa Panginoong Diyos at kung paano natin Siya matatanggap. Mahalagang matutunan nating lahat kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng pagtanggap sa Panginoong Diyos upang maging makatotohanan at taos-puso tayo kapag ipinasiya natin itong gawin. 

Inilarawan ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa ang kahulugan ng pagtanggap sa Diyos. Ang pagtanggap sa Diyos nang taos-puso ay ang pagtakwil at pagtalikod sa makasalanang pamumuhay. Ituring ang sarili bilang patay na sa kasalanan (Roma 6, 11). Iyan ang ibig sabihin ng pagtanggap sa Diyos nang taos-puso. May kapalit ang pagtanggap sa Diyos. Ang kapalit ng pagtanggap sa Diyos ay ang pagtalikod sa kasalanan. Kapag ang Panginoon ay taos-pusong tinanggap ng bawat isa sa atin, sinisimulan nating mamuhay para sa Kanya. Ang pagtanggap sa Panginoong Diyos ay nangangahulugang pagtanggap at pagsimula ng isang uri ng pamumuhay na kalugud-lugod sa Kanyang paningin. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong si propeta Eliseo ay tinanggap ng isang mag-asawa sa kanilang tahanan. Si Eliseo ay kinilala ng babae bilang isang lingkod ng Diyos (2 Hari 4, 9). Dahil diyan, binuksan ng mag-asawa ang kanilang tahanan para kay propeta Eliseo. Pinaghandaan nila siya ng isang silid at marami pang iba. Naniwala sila na kapag tinanggap nila ang isang lingkod ng Panginoon, may pagpapala sila mula sa Panginoon. Ang mag-asawang ito ay naniwalang sila'y kalulugdan at pagpapalain ng Diyos dahil tinanggap nila ang Kanyang lingkod. 

Ang Panginoong Hesukristo ay nagsalita sa mga apostol tungkol sa kahulugan ng pagtanggap sa Kanya at ang biyayang dulot nito. Para sa Panginoong Hesus, ang mga tumatanggap sa Kanya ay yaong mga sumusunod sa Kanya. Kung hangad ng bawat isa sa atin na maging taos-puso ang pagtanggap sa Panginoon, kailangang natin maging handang sumunod sa Kanya. Para kay Kristo, kung tunay nga Siyang tinatanggap ng bawat isa bilang Panginoon at Diyos, dapat silang maging handang sumunod sa Kanya. Ang mga tumatanggap kay Hesus bilang Panginoon at Diyos ay dapat sumunod sa Kanya hanggang sa huli. Kapag iyon ang ginawa ng bawat isa, sila'y makakatanggap ng biyaya. Ang mga tatanggap at susunod kay Hesus hanggang sa huli ay magkakaroon ng buhay (Mateo 10, 38). Pagkakalooban sila ng buhay na walang hanggan sapagkat pinili nilang tanggapin at sundin si Hesus, kahit ang buhay nila dito sa lupa ang magiging kapalit nito. 

Inilarawan sa mga Pagbasa na ang pagtanggap sa Diyos ay hindi madali. May mga sakripisyong kailangan nating gawin alang-alang sa Diyos. Kailangan natin Siyang unahin. Hindi Siya dapat magkaroon ng mga kakumpetensya sa ating buhay. Ang Kanyang kalooban ay dapat sundin. Kailangan nating sumunod sa Kanya sa kabila ng mga pagsubok sa buhay dito sa lupa. Hindi biro ang pagtanggap sa Panginoong Diyos. Mahirap tanggapin ang Panginoon. Kahit na ang Panginoon pa mismo ang ating tatanungin, sasabihin Niyang hindi Niya ipinangakong mawawala ang lahat ng problema natin sa buhay natin dito sa mundo kapag sumunod tayo sa Kanya. 

Pagtalikod sa makasalanang pamumuhay. Paglimot sa mga bagay na nauukol sa sarili. Pagpasan ng krus. Pagsunod kay Kristo Hesus. Hindi biro gawin ang mga iyan. Huwag nating linlangin ang ating mga sarili. Mukha ngang madali, pero hindi. Hindi biro gawin ang mga ito. Mahirap talaga itong gawin. 

Ang bawat isa sa atin ay tinatanong sa Linggong ito kung handa ba talaga tayong tanggapin ang Panginoon. Handa ba talaga tayong tanggapin ang Panginoon sa buhay natin? Suriin natin nang mabuti ang ating sarili. Pagpasiyahan natin ito nang mabuti. Kapag tinanggap natin ang Panginoon sa ating buhay, wala nang atrasan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento