Sabado, Hunyo 13, 2020

MALINIS AT BUSILAK NA PUSO

20 Hunyo 2020 
Paggunita sa Kalinis-linisang Puso ng Birheng Maria 
Isaias 61, 9-11/1 Samuel 2/Lucas 2, 41-51 


Sabi sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo na iningatan ng Mahal na Birheng Maria ang lahat ng mga sinabi ng Panginoong Hesus sa kanyang puso (Lucas 2, 51). Isa itong napakagandang aral para sa atin sa araw na ito na inilaan ng Simbahan sa Paggunita sa Kalinis-linisang Puso ng Mahal na Birheng Maria. Ingatan ang lahat ng bagay sa puso. Ano ang mga bagay na iyon? Ang mga bagay na nauukol sa kalooban ng Diyos. Kung iyan ang gagawin natin, ang ating mga puso ay magiging busilak at malinis tulad ng Mahal na Ina. 

Tayong lahat ay tinuturuan ng Mahal na Inang si Maria kung paanong magkaroon ng isang busilak o malinis na puso sa ating paggunita sa kanyang Kalinis-linisang Puso. Paano nga ba magkaroon ng isang malinis na puso tulad ni Maria? Ingatan ang kalooban ng Diyos sa ating mga puso. Hayaan nating maghari ang Kanyang kalooban sa ating puso at ating buhay. Buong kababaang-loob nating tanggapin at sundin ang Kanyang kalooban. Huwag nating ipilit ang mga sarili nating plano kung mayroon ibang plano ang Diyos. Huwag tayong magmayabang na mas marunong tayo sa Panginoong Diyos. Huwag tayong magmayabang na kaya nating unawain o matarok ang nasa isipan ng Panginoon. Oo, biniyayaan tayo ng katalinuhan at karunungan, subalit mayroong itong mga limitasyon. Hindi natin mauunawaan ang lahat ng bagay, lalung-lalo na ang mga plano ng Diyos. Subalit, sa kabila nito, ang mga ninanais at niloloob ng Diyos ay dapat nating tanggapin at sundin nang buong kababaang-loob. Kapag iyan ang ginawa natin, ang ating mga puso't kalooban ay tunay ngang magiging busilak at malinis katulad ng Mahal na Birhen. 

Bakit napakahalaga ang pagkakaroon ng isang malinis at busilak na puso, tulad ng ating Mahal na Ina? Ang mga may malinis at busilak na puso't kalooban ay tunay na nagpupuri sa Panginoong Diyos. Sabi sa wakas ng Unang Pagbasa na ang lahat ng bansa ay magpupuri sa Panginoon (Isaias 61, 11). Kung nais nating maging kabilang sa mga bansang nagpupuri sa Panginoong Diyos, ang ating mga puso at loobin ay dapat maging malinis at busilak tulad ng Mahal na Ina. 

Kung nais nating maging totoo ang ating pagpupuri sa Diyos, kailangang maging malinis at busilak ang ating mga puso. Magiging busilak o malinis ang ating mga puso kung tatanggapin at susundin natin nang may kababaang-loob ang kalooban ng Diyos. Tandaan, tanging ang mga may malinis at busilak na puso tulad ng ating Inang Mahal na si Maria ang makakapag-alay ng tunay at taos-pusong papuri sa ating Panginoong Diyos na Kataas-taasan.  

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento