Martes, Hunyo 9, 2020

SA BANAL NA MISA, TAYONG LAHAT AY KANYANG PINAPAKAIN AT PINAPAINOM

14 Hunyo 2020 
Dakilang Kapistahan ng Kabanal-Banalang Katawan at Dugo ng Panginoon (A) 
Deuteronomio 8, 2-3. 14b-16a/Salmo 147/1 Corinto 10, 16-17/Juan 6, 51-58 




Tuwing sasapit ang Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon, ipinapaalala sa atin na Siya'y puno ng awa at pag-ibig para sa ating lahat. Katunayan, lagi itong ipinapaalala sa bawat isa sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Eukaristiya. Iyon nga lamang, ang paaalalang ito ay mas binibigyan ng pansin sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon. Ipinapakita sa atin ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang awa at pag-ibig para sa bawat isa sa atin sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya sa pamamagitan ng pagbibigay ng Kanyang Katawan at Dugo.

Ibinibigay ni Kristo ang Kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo sa bawat isa sa atin sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa. Sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Eukaristiya, si Kristo ay dumarating upang ibigay ang Kanyang Katawan at Dugo sa bawat isa sa atin. Hindi lamang isang simbolo o sagisag ni Kristo ang ostiya at alak. Hindi lamang basta alak o tinapay ang ating tinatanggap sa Banal na Pakikinabang o Komunyon. Bakit? Si Kristo iyon. Ang presensya ni Kristo sa Banal na Eukaristiya ay tunay at totoo. Tunay ngang nasa Eukaristiya ang Panginoon. Si Hesus mismo ang ating tinatanggap. Si Hesus talaga iyan. 

Napaklinaw ng mga sinabi ni Hesus nang itatag Niya ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya sa Huling Hapunan, "Ito ang Aking Katawan . . . Ito ang Aking Dugo" (Mateo 26, 26-28; Marcos 14, 22-24; Lucas 22, 17-20). Hindi na dapat pagdudahan pa ang presensya ni Kristo Hesus sa Banal na Eukaristiya. Siya ang nagpapakain at nagpapainom sa atin. Siya'y dumarating sa Banal na Eukaristiya upang bigyan tayo ng pagkain at inumin. Ibinibigay Niya sa atin ang Kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo sa Banal na Eukaristiya upang maging espirituwal na pagkain at inumin natin. Hindi lamang pisikal ang kagutuman at kauuhawang pinapawi ni Hesus kundi espirituwal rin. Pinapawi ni Hesus sa Banal na Eukaristiya ang iba't ibang kagutuman at kauuhawan ng bawat tao, lalung-lalo na ang mga hindi kayang pawiin ng anumang pagkain at inumin dito sa mundo. 

Sabi rin ni Hesus sa Ebanghelyo, "Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit" (Juan 6, 51). Sabi rin Niyang hindi magkakaroon ng buhay ang mga hindi kakain ng Kanyang laman at iinom ng Kanyang dugo (Juan 6, 53). Ito rin ang binigyan ng pansin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa kung saan sinabi niyang ang tinapay at alak na tinatanggap ng bawat isa sa banal na pagdiriwang ay walang iba kundi si Hesus mismo (1 Corinto 10, 16). Ang tinapay at alak na ating tinatanggap sa Banal na Misa ay ang Katawan at Dugo ni Kristo. Sa bawat Misa, si Kristo ay dumarating upang ibigay ang Kanyang Katawan at Dugo bilang pagkain at inumin. Ang tinapay at alak na pinagsasaluhan natin ay ang Katawan at Dugo ni Hesus. Hindi lamang ordinaryong tinapay at alak ang ating pinakikinabangan. Ito'y dahil ang ating tinatanggap sa Banal na Pakikinabang ay si Kristo mismo. 

Bakit ibinibigay ni Kristo ang Kanyang Katawan at Dugo upang maging pagkain at inumin natin? Sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa, si Kristo ay dumarating upang ibigay ang Kanyang Katawan at Dugo bilang pagkain at inuming espirituwal dahil sa Kanyang awa at pag-ibig para sa atin. Ang pagbibigay ng Panginoon ng Kanyang Katawan at Dugo sa Banal na Misa ay paghahayag ng Kanyang awa at pag-ibig. Kung paanong ang Panginoong Diyos ay nagpaulan ng manna mula sa langit at nagpabukal ng tubig mula sa isang malaking bato, na ipinaalala ni Moises sa mga Israelita sa Unang Pagbasa, ibinibigay ni Hesus ang Kanyang Katawan at Dugo bilang espirituwal na pagkain at inumin na ating pinagsasaluhan bilang isang sambayanan sa bawat pagdiriwang ng Banal na Misa.

Hindi ordinaryong tinapay at alak ang kinakain at iniinom natin sa Misa. Sa tuwing ipinagdiriwang natin ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya, dumarating si Hesus upang ibigay sa atin ang Kanyang Katawan at Dugo bilang espirituwal na pagkain at inumin sa atin. Sa pamamagitan nito, ipinapakita Niya sa bawat isa sa atin ang Kanyang awa at pag-ibig para sa ating lahat. Kahit na tayo'y hindi karapat-dapat dahil sa dami ng ating mga kasalanan, ipinapakita ni Hesus na tayo'y tunay Niyang minamahal at kinahahabagan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento