5 Hulyo 2020
Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Zacarias 9, 9-10/Salmo 144/Rma 8, 9. 11-13/Mateo 11, 25-30
Sabi sa pambungad ng panalangin ni Hesus sa Ebanghelyo na inilihim ng Ama ang lahat sa mga marurunong at matatalino habang inihayag naman Niya ito sa mga may kaloobang tulad ng sa bata (Mateo 11, 25). Sa linyang ito, inilarawan ni Hesus ang pagiging malapit ng Diyos sa mga kababaang-loob. Ang mga may kababaang-loob ay kinalulugdan ng Diyos. Ang kababaang-loob ay tunay ngang kalugud-lugod sa paningin ng Panginoon. Kapag Siya'y nakakakita ng mga taong nagpapakita ng kababaang-loob, labis Siyang natutuwa at nasisiyahan.
Bakit nga ba kinalulugdan ng Diyos ang mga mababang-loob? Ano nga ba talaga ang mayroon sa mga may kababaang-loob na ikinasisiya ng Diyos? Mismong ang Panginoong Diyos ang nagpaliwanag sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo kung bakit ikinalulugod Niya ang mga mababang-loob. Sabi Niya sa Unang Pagbasa na ang tunay na hari na walang iba kundi Siya ay matagumpay na dumarating nang may kababaang-loob na nakasakay sa isang bisirong asno (Zacarias 9, 9). Sa halip na sumakay sa isang kabayo, Siya'y sumasakay sa isang bisirong asno. Ito'y tinupad Niya sa pamamagitan ni Kristo noong unang Linggo ng Palaspas kung saan Siya'y sumakay sa isang bisirong asno sa Kanyang maringal na pagpasok sa Herusalem. Ito rin ang inilarawan ng Panginoong Hesukristo sa huling bahagi ng Ebanghelyo kung sinabi Niyang Siya'y maamo at mababang-loob (Mateo 11, 29).
Kaya naman, napaka-importante para sa bawat isa sa atin bilang mga Kristiyano ang pagkakaroon ng kababaang-loob. Ang Diyos mismo ay maamo at mababang-loob. Ikinatutuwa ng Panginoon ang mga nagsisikap mamuhay katulad Niya. Siya'y nasisiyahan sa mga nagsisikap mamuhay nang may kababaang-loob. Iyan ay dahil sa pamamagitan ng pamumuhay nang may kababaang-loob, ipinapakita ng bawat isa ang kanilang pananalig at pagtanggap sa Diyos. Dahil sa kanilang pananalig at pagtanggap sa Diyos, pinili nilang mamuhay katulad Niya at para sa Kanya. Iyan ay tunay na kalugud-lugod sa paningin ng Panginoong Diyos.
Ano naman ang mapapala ng bawat taong magpapasiyang mamuhay nang may kababaang-loob? Ano naman ang mapapala ng bawat tao kapag ipinasiya nilang mamuhay nang kalugud-lugod sa paningin ng Diyos? Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na magkakaroon sila ng buhay. Isang buhay na hindi mula sa daigdig na ito. Isang bagong buhay na kaloob ng Diyos. Kapag ang bawat isa'y namumuhay nang may kababaang-loob, tulad ng ninanais ng Panginoong Diyos, siya'y tunay na malaya. Ang mga may kababaang-loob ay tunay na malaya mula sa mga pita ng laman. Iyan ay dahil ang Espiritu Santo ay nananahan sa kanila. Ang Espiritu Santo ang tutulong sa kanila upang mamuhay nang may kalayaan. Ito ay dahil ang Espiritu Santo ay nananahan sa kanila. Ang Espiritu Santo ay nananahan sa mga may kababaang-loob.
Mabuti ang idudulot ng pagkakaroon ng kababaang-loob sa ating buhay bilang mga Kristiyano. Kapag tayo'y namuhay nang may kababaang-loob, tayo'y kalulugdan ng Diyos. Kapag nagsumikap tayong maging kalugud-lugod sa Diyos, bibiyayaan Niya tayo ng buhay. Isang buhay na malaya mula sa mga pita ng laman. Isang buhay sa piling ng Diyos. Isang buhay na walang hanggan kasama ang Diyos sa langit. Ang lahat ng mga magsusumikap mamuhay nang kalugud-lugod sa paningin ng Diyos ay makakatamasa ng buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa langit.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento