12 Hulyo 2020
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Isaias 55, 10-11/Salmo 64/Roma 8, 18-23/Mateo 13, 1-23 (o kaya: 13, 1-9)
Sa Ebanghelyo, isinalaysay ni Hesus ang talinghaga tungkol sa manghahasik. Sa mahabang bersyon ng Ebanghelyo, ipinaliwanag ni Hesus sa mga apostol ang aral at kahulugan ng talinghagang ito. Ang binhi ay sumasagisag sa Salita ng Diyos habang ang iba't ibang uri ng lupa kung saan nalaglag ang mga binhi ay sagisag ng iba't ibang uri ng taong tumatanggap sa Salita ng Diyos.
Madalas pagnilayan ang iba't ibang uri ng taong tumatanggap sa Salita ng Diyos sa tuwing napapakinggan ang talinghagang ito sa Ebanghelyo sa Misa. Ang paksa ng iba't ibang uri ng lupa sa talinghaga ng Panginoon na sumasaigsag sa iba't ibang uri ng taong tumatanggap sa Salita ng Diyos ay kadalasang binibigyan ng pansin sa pagninilay at pagsusuri ng bawat isa. Sinusuri at pinagninilayan ng bawat isa kung ano nga ba talaga ang halaga ng Salita ng Diyos sa kanilang buhay at kung paano nila ito tinatanggap.
Pero, hindi lamang ang iba't ibang uri ng taong tumatanggap sa Salita ng Diyos ang nais bigyan ng pansin ni Kristo sa talinghagang ito. Bagkus, inilalarawan rin Niya sa talinghagang ito ang pagiging maibigin at mahabagin ng Panginoon. Ipinapakita ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at habag sa lahat sa pamamagitan ng paghahasik o pagpapalaganap ng Kanyang Salita. Hindi Siya magsasawa kailanman. Hindi Siya titigil sa pagpapalaganap ng Kanyang Salita.
Ito ang dahilan kung bakit ang mga propetang tulad ni Isaias sa Unang Pagbasa ay hinirang ng Diyos. Ito rin ang dahilan kung bakit ang Diyos ay nagkatawang-tao sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Ito rin ang dahilan kung bakit ang mga apostol tulad ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Nais ng Diyos na ang Kanyang Salita ay lumaganap sa iba't ibang bahagi ng daigdig.
Batid rin ng Diyos na ang Kanyang Salita ay hindi tatanggapin ng lahat. Sabi nga ng Panginoong Hesukristo noong Siya'y tinanong ni Poncio Pilato na ang mga nasa panig ng katotohanan lamang ay makikinig sa Kanyang tinig (Juan 18, 37). Ang mga tumatanggap sa Panginoon at sa Kanyang Salita ay ang mga nasa panig ng katotohanan. Kaya naman, nakakapagtaka kung bakit pinili pa rin Niyang ihasik o ipalaganap ang Kanyang Salita sa lahat kahit alam naman Niyang may mga hindi tatanggap nito. Bakit nga ba Niya ipinagpapatuloy ito? Pag-ibig at habag. Ang habag at pag-ibig ng Diyos ang dahilan kung bakit patuloy Niyang ipinapalaganap ang Kanyang Salita, kahit alam Niyang hindi ito tatanggapin ng ilan.
Ang Diyos ay patuloy na naghahasik ng Kanyang Salita. Hindi Siya magsasawa gawin ito kailanman dahil sa Kanyang pag-ibig at habag.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento