Linggo, Hulyo 26, 2020

MANALIG SA KAPANGYARIHAN NG PAG-IBIG NG PANGINOON

29 Hulyo 2020 
Paggunita kay Santa Marta 
1 Juan 4, 7-16/Salmo 33/Juan 11, 19-27 (o kaya: Lucas 10, 38-42) 


"Ang Diyos ay pag-ibig" (1 Juan 4, 16). Ito ang mga salita ni Apostol San Juan sa wakas ng Unang Pagbasa. Ang Diyos ay puno ng pag-ibig. Siya ang bukal ng pag-ibig. Pag-ibig ang Kanyang ibinibigay at ibinabahagi sa lahat. Katunayan, iyan ang dahilan kung bakit dumating si Kristo Hesus sa daigdig. Dahil sa Kanyang pag-ibig para sa sangkatauhan, ang Panginoong Hesukristo ay naparito sa daigdig, ayon sa kalooban ng Diyos. Niloob ng Diyos na dumating sa mundo ang Panginoong Hesus upang iligtas ang sangkatauhan. 

Binibigyan ng pansin sa araw na ito na inilaan sa paggunita kay Santa Marta ang pag-ibig ng Diyos. Ang bawat isa sa atin ay binibigyan ng pagkakataon sa araw na ito na mamulat sa kapangyarihan ng pag-ibig ng Diyos. Ang pag-ibig ng Diyos ay tunay ngang makapangyarihan. Isinasalamin ng kapangyarihan ng Panginoon ang Kanyang pag-ibig. Ang pag-ibig at kapangyarihan ng Panginoong Diyos ay hindi magkahiwalay o magkaibang konsepto. Bagkus, ang dalawang ito'y magkaugnay. 

Itinuturo sa atin ng lipunan na bawal magpakita ng kalambutan o kahinaan. Kung gusto mong makamit ang respeto ng bawat isa, kung gusto mong bumango ang pangalan mo, hindi ka dapat magpakita ng kahinaan. Dagdag pa nila, ang pag-ibig ay para lamang sa mga mahihina at malalambot. Kung gusto mong magkaroon ng magandang reputasyon, kailangan maging matapang ka. Bawal ka magpakita ng kahit anong uri ng kalambutan o kahinaan. Hindi ka puwedeng umibig. Bakit? Para lamang iyan sa mga malalambot at mahihina. Agad kang ituturing na mahina kapag umibig ka. Hindi makakaganda o makakabuti sa iyong reputasyon ang pag-ibig. 

Subalit, ang aral na itinuturo sa atin ngayong araw na ito ay ang pag-ibig ng Diyos ay makapangyarihan. Ang pag-ibig ng Panginoong Diyos ay larawan ng Kanyang kapangyarihan. Ang pag-ibig ng Panginoong Diyos ay hindi tanda, sagisag, o larawan ng Kanyang kahinaan. Katunayan, pag-ibig ang dahilan kung bakit binuhay ni Hesus ang Kanyang kaibigan na si San Lazaro, ang kapatid nina Santa Marta at Santa Maria ng Betania. Sabi nga ni Hesus kay Marta sa isa sa mga kaganapan bago Niya binuhay si Lazaro na itinampok sa salaysay sa Ebanghelyo na Siya ang "Muling Pagkabuhay at ang buhay" (Juan 11, 25). Ang muling pagbuhay Niya kay Lazaro ang nagpatunay nito. Pag-ibig ang dahilan kung bakit ginawa Niya ito. Pag-ibig ang dahilan kung bakit binigyan ni Hesus si Lazaro ng buhay kahit na siya'y namatay apat na araw ang nakalipas. Sa pamamagitan ng himalang ito, namalas ang kahanga-hangang kapangyarihan ng Panginoon. 

Ano naman ang dapat nating gawin? Manalig tayo sa kapangyarihan ng pag-ibig ng Panginoong Diyos. Ito ang aral na matutunan natin mula kay Santa Marta. Sa Ebanghelyo, inihayag ni Marta ang kanyang pananalig sa Panginoong Hesukristo matapos Niyang ihayag na Siya ang Muling Pagkabuhay at ang buhay (Juan 11, 27). Manalig tayo sa kapangyarihan ng pag-ibig ni Kristo. Nararapat lamang ibigay kay Kristo ang taos-puso nating pananalig sa kapangyarihan ng Kanyang pag-ibig. Hindi tanda ng kahinaan ang pag-ibig ni Kristo. Bagkus, ang Kanyang pag-ibig ay isang salamin ng Kanyang kapangyarihan. 

Si Santa Marta ay nanalig sa kapangyarihan ng pag-ibig ng Panginoon. Kahit hindi niya maintindihan ang misteryong ito, pinili pa rin niyang manalig sa pag-ibig ng Diyos na tunay ngang makapangyarihan. Matuto rin nawa tayong manalig sa pag-ibig ng Panginoon, katulad ni Santa Marta. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento