26 Hulyo 2020
Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
1 Hari 3, 5. 7-12/Salmo 118/Roma 8, 28-30/Mateo 13, 44-52 (o kaya: 13, 44-46)
Maraming mga masisikat na kanta tungkol sa nilalaman ng puso. Halos iisa lamang ang tinutukoy ng mga awiting ito. Ang lihim na pagtingin sa isang kinukursunada o labis na iniibig at pinahahalagahan. Dinadaan nila sa awitin ang paglalarawan ng kanilang mga nararamdaman. Ang kanilang kinukursunada o iniirog ang nilalaman ng kanilang mga puso. Ganyan sila magmahal. Sa bawat oras, sila ang hinahanap-hanap at pinananabikan. Sila ang tinitibok ng kanilang mga puso.
Ano ba ang hinahangad ng iyong puso? Ito ang paksang pinagtuunan ng pansin sa mga Pagbasa. Tayong lahat ay binibigyan ng pagkakataon ng mga Pagbasa upang pagnilayan kung ano nga ba talaga ang hinahanap ng ating mga puso. Ano nga ba talaga ang pinakamahalaga sa ating mga puso? Ano ba talaga ang nais natin?
Sa Unang Pagbasa, hiniling ni Haring Solomon sa kanyang panalangin sa Diyos na biyayaan siya ng karunungan tungkol sa kabutihan at kasamaan. Napakalinaw ang hinangad ni Solomon. Hinahangad ni Solomon na maging isang mabuting hari. Ang laman ng kanyang puso ay hindi salapi o kapangyarihan kundi ang kapakanan ng kanyang bayan. Nais ni Solomon na maging isang mabuti at maawaing hari. Nais niyang maranasan ang tulong at gabay ng Panginoon.
Hindi lamang puso ng tao ang mayroong laman. Ang Puso ng Panginoong Diyos ay mayroon ring nilalaman. Ito ang binigyan ng pansin sa Ikalawang Pagbasa. Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na ang laman ng Puso ng Panginoon ay yaong Kanyang mga itinalaga upang maging Kanya. Mahalaga para sa Diyos ang lahat ng Kanyang mga itinalaga upang maging Kanya.
Sino ba ang mga maaaring italaga ng Panginoon upang maging Kanya? Tayong lahat. Ang bawat isa sa atin ay tinatawag ng Diyos. Tayong lahat ay binibigyan Niya ng pagkakataong maging Kanya. Ang bawat isa sa atin ay tinatawag at hinihirang upang maging Kanya. Tayong lahat ay may pagkakataong italaga ng Diyos upang maging Kanya. Bukas ang pintuan ng Diyos sa mga nais magpatalaga sa Kanya.
Nais ng Panginoon na italaga ang bawat isa sa atin upang maging Kanya. Subalit, hindi Niya tayo pipilitin. Kung ayaw natin, hindi tayo pipilitin ng Diyos. Walang ibang magagawa ang Panginoong Diyos kundi igalang ang ating pasiya. Kung ang Diyos ay hindi mahalaga para sa atin, wala na Siyang magagawa. Hindi Niya isisiksik o ipipilit ang Kanyang sarili sa puso ng mga ayaw tumanggap sa Kanya.
Sa Ebanghelyo, inihalintulad ni Hesus sa mga talinghagang Kanyang isinalaysay ang kaharian ng Diyos sa isang kayamanang nakabaon sa isang bukid, sa isang perlas na napakamahal, at sa isang malaking lambat na nakahuli ng maraming isda matapos itong ihagis sa dagat. Sa pamamagitan ng mga talinghagang ito, inialok ni Kristo ang kaharian ng langit sa bawat isa upang pahalagahan. Napakalinaw ng layunin ni Kristo sa talinghagang ito. Pukawin ang puso ng bawat isa upang sa gayon ay maakit sila at mapahalagahan nila ang Diyos.
May tanong ang Panginoong Hesukristo para sa bawat isa sa atin. Ano ang laman ng ating puso? Ano ang hanap-hanap natin? Ano ang mahalaga para sa atin? Ano ang hanap-hanap ng ating mga puso?
Panginoon ko, hanap-hanap Ka ng puso. Tinig Mo'y isang awit-paghilom.
- Awit ng Paghilom (Arnel Aquino, SJ)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento