Lunes, Hulyo 20, 2020

HINDI LAMANG TUNGKOL SA GANTIMPALA

25 Hulyo 2020 
Kapistahan ni Apostol Santiago 
2 Corinto 4, 7-15/Salmo 125/Mateo 20, 20-28 


Wika ni Hesus sa Ebanghelyo para sa araw na ito: "Ang hirap na babatahin Ko'y babatahin nga ninyo. Ngunit wala sa Akin ang pagpapasiya kung sino ang mauupo sa Aking kanan at sa Aking kaliwa" (Mateo 20, 23). Magandang bigyan ng pansin ang mga salitang ito ni Hesus sa Ebanghelyo. Sa mga salitang ito, maliwanag na itinuro ng Panginoong Hesus ang tunay na layunin ng pagsunod sa Kanyang mga utos at pananatiling tapat sa Kanya hanggang sa huli. Itinuro ng Panginoong Hesus na hindi lamang tungkol sa mga gantimpala ang pagsunod sa Kanyang mga utos at pananatiling tapat sa Kanya hanggang wakas. 

Para sa Panginoon, hindi dapat tinitingnan ng bawat isa ang pagsunod sa Kanyang mga utos at pananatiling tapat sa Kanya hanggang sa katapusan bilang isang tiket sa langit. Oo, may gantimpala si Kristo sa mga mamumuhay nang may kababaang-loob at kabanalan hanggang sa huli. Oo, gagantimpalaan ng Panginoon ang lahat ng mga susunod sa Kanya at mananatiling tapat sa Kanya hanggang sa huli. Pero, hindi dapat nakatuon ang pansin ng bawat isa sa gantimpala lamang. Hindi lamang ito tungkol sa gantimpala. Ang gantimpala ng Panginoon ay hindi dapat maging una o kaisa-isang dahilan ng pagsunod sa Kanya at pananatiling tapat sa Kanya. 

Ang tunay na layunin ng pagsunod sa Panginoon at pananatiling tapat sa Kanya hanggang sa huli ay ihayag ang ating pag-ibig sa Kanya. Ang pamumuhay nang may kababaang-loob at kabanalan hanggang sa huli ay paghahayag ng ating pag-ibig sa Kanya. Iyan ang dapat natin isaisip. Iyan ang dapat maging dahilan ng ating pagsunod sa mga utos ng Diyos at pananatiling tapat sa Kanya hanggang wakas. Sa pamamagitan ng pagsunod sa Diyos at pananatiling tapat sa Kanya hanggang wakas, nahahayag ang ating pagmamahal at pagsamba sa Kanya. 

Ito ang binigyang-pansin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa noong sinabi niyang siya at ang iba pang mga apostol ay "laging nabibingit sa kamatayan alang-alang kay Kristo upang . . . mahayag ang Kanyang buhay" (2 Corinto 5, 11). Ito ang dapat maging mentalidad natin. Gawin ang lahat para kay Kristo upang ihayag ang Kanyang kadakilaan. Sa pamamagitan nito, ipinapakita natin na Siya'y tunay nating minamahal at sinasamba. 

Tulad ni Apostol Santo Santiago Mayor, mahihirapan tayong unawain ito sa una pa lamang. Pero, unti-unti rin natin itong mauunawaan at mamumulat sa katotohanang ito. Ang pamumuhay nang may kabanalan at kababaang-loob ay ginagawa upang mahayag ang ating pagmamahal sa Panginoong Hesukristo. Dahil sa ating pag-ibig sa Kanya, handa tayong talikuran ang ating mga sarili para sa lalong ikadarakila ng Kanyang Kabanal-banalang Ngalan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento