Biyernes, Hulyo 17, 2020

BINABAGO NG MINAMAHAL

22 Hulyo 2020 
Kapistahan ni Santa Maria Magdalena 
Awit ni Solomon 3, 1-4a (o kaya: 2 Corinto 5, 14-17)/Salmo 62/Juan 20, 1-2. 11-18 


Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagpapakita ng Panginoong Hesukristo kay Santa Maria Magdalena matapos ang Kanyang Muling Pagkabuhay. Sa sandaling ito, si Hesus ay naghatid ng pagbabago kay Santa Maria Magdalena. Sa unang bahagi ng Ebanghelyo, si Magdalena ay natagpuang umiiyak. Siya'y napuspos ng hapis at lungkot dahil ang bangkay ni Hesus ay nawawala. Akala niya noong una'y ninakaw ang bangkay ni Hesus. Subalit, nang magpakilala sa kanya ang Panginoon, ang kanyang puso ay napuspos ng tuwa. Ang hapis at lungkot ay tuluyan nang naging tuwa at galak dahil sa Muling Nabuhay na si Hesus. 

Naghahatid ng pagbabago ang Panginoon sa bawat isa dahil sa Kanyang pag-ibig para sa bawat isa sa atin. Tunay Niya tayong minamahal. Dahil sa pag-ibig na iyon, binibigyan Niya tayo ng pagkakataong baguhin ang ating mga sarili. Ganyan tayo ka-mahal ng Panginoon. Binibigyan Niya tayo ng pagkakataong magbago. Tayong lahat ay binibigyan ng pagkakataon upang baguhin ang ating sarili para sa ating ikabubuti. Kabutihan ang idudulot ng pagbabagong kaloob ng Panginoon. 

Binigyang-pansin ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Unang Pagbasa ang pagbabagong kaloob ng Panginoon. Sabi niya na ang mga nakikipag-ugnayan kay Kristo ay mga bagong nilalang (2 Corinto 5, 17). Ang pakikipag-ugnayan sa Panginoon ay naghahatid ng pagbabago. Ang mga nais magkaroon ng malalim na ugnayan sa Kanya ay dapat maging handa sa pagbabagong kaloob Niya. Hindi maaaring makipag-ugnayan kay Kristo ang mga hindi tatanggap sa pagbabagong hatid Niya. Kung nais nating magkaroon ng isang malalim na ugnayan kay Kristo, dapat nating tanggapin ang pagbabagong kaloob Niya. 

Ang pagbibigay ng pahintulot kay Kristo na baguhin tayo ay isang pagpapahayag ng ating pagmamahal sa Kanya. Kung tunay nga natin Siyang minamahal, tulad na lamang ng halimbawa ng dalawang nagmamahalan sa Unang Pagbasa, hindi natin Siya hahadlangan sa paghahatid ng pagbabago sa ating buhay. 

Pagbabago ang alok ng minamahal nating Panginoong Hesus sa atin. Kung tunay nga nating minamahal ang Panginoong Hesus, ang inaalok Niyang pagbabago ay ating tatanggapin. Pahihintulutan natin Siyang baguhin ang ating buhay. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento