2 Agosto 2020
Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Isaias 55, 1-3/Salmo 144/Roma 8, 35. 37-39/Mateo 14, 13-21
Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinadama Niya sa pamamagitan ni Kristo (Roma 8, 38-39). Sa kabila ng ating mga kasalanan at kahinaan, hindi titigil ang Diyos sa pagmamahal sa atin. Patuloy Niya tayong mamahalin at kakalingain. Oo, labis na nasasaktan ang Panginoong Diyos sa tuwing tayo'y nagkakasala laban sa Kanya. Kinasusuklaman Niya ang kasalanan. Siya'y nagagalit kapag nakakakita Siya ng taong gumagawa ng kasamaan. Subalit, hindi ito nangangahulugang nababawasan o tuluyang nawawala ang Kanyang pag-ibig para sa sangkatauhan. Ilang ulit mang magkasala ang sangkatauhan, nananatili pa rin ang pagmamahal at pagkalinga ng Diyos. Hindi ito nababawasan o naglalaho.
Binibigyan ng pansin sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo para sa Linggong ito ang pag-ibig at pagkalinga ng Panginoon. Maraming ginagawa ang Diyos upang ipakita ang Kanyang pag-ibig at pagkalinga. Isa sa mga ginagawa ng Panginoong Diyos upang ipakita ang Kanyang pag-ibig at pagkalinga ay ang pagpapakain sa bawat isa sa atin. Pinapakain tayo ng Diyos dahil sa Kanyang pag-ibig para sa atin. Gaya ng nasasaad sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Pinakakain Mong tunay kaming lahat, O Maykapal" (Salmo 144, 16). Katunayan, binigyan ito ng pansin ni Hesus sa isang bahagi ng Ama Namin, ang panalangin na Kanyang itinuro. Ito ang mga salita sa nasabing bahagi ng panalanging iyon: "Bigyan Mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw" (Mateo 6, 11). Sa pamamagitan ng pagpapakain at pagkakaloob ng iba pang pang-araw-araw na pangangailangan, pinapatunayan ng Diyos na lagi Niya tayong minamahal at inaaruga.
Inilahad ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa ang paanyaya ng Diyos sa Kanyang bayan. Inaanyayahan ng Panginoon ang Kanyang bayan na lumapit at makinig sa Kanya. May inaalok Siyang pagkain at inuming napakasarap. Tanging Siya lamang ang makakapagkaloob ng tunay na pagkain at inumin na napakasarap. Sa Kanya lamang nagmumula ang tunay na pagkain at inumin. Kung tutuusin, ginagawa ito ng Panginoon sa Banal na Misa. Sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa, ibinibigay sa atin ni Hesus ang tunay na pagkain at inumin - ang Kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo. Ang tunay na pagkain at inumin, ang Katawan at Dugo ng Panginoon, ay tinatanggap natin sa Banal na Pakikinabang (Komunyon). Ang tunay na pagkain at inumin ay nagmumula lamang sa Panginoon. Siya lamang ang makakapagbigay nito sa bawat isa sa atin. Mahahanap lamang natin ang tunay na pagkain at inumin sa presensya ng Panginoon. Bakit? Dahil Siya mismo ang tunay na pagkain at inumin.
Sa Ebanghelyo, pinakain ni Hesus ang limang-libong katao. Sa pamamagitan ng himalang ito, pinatunayan ni Hesus na hindi lamang Siya isang guro mula sa bayan ng Nazaret na puno ng karunungan. Pinatunayan Niyang hindi Siya malayo sa mga tao dahil sa taglay Niyang karunungan at kapangyarihan bilang Diyos. Katunayan, ang dahilan kung bakit ginawa Niya ang himalang ito ay hindi upang ipamalas ang Kanyang kapangyarihan bilang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Ang milagrong ito ay ginawa ni Hesus dahil sa Kaniyang pag-ibig. Ipinakita Niya ang pagkalinga ng Diyos sa lahat sa pamamagitan ng pagpapakain sa limanlibong tao dahil sa Kanyang pag-ibig. Dahil sa pag-ibig, kinalinga ni Hesus ang mga tao.
Mayroong nagmamahal at umaaruga sa atin. Hindi Siya titigil sa pagmamahal at pagkalinga sa atin kailanman. Siya'y walang iba kundi ang Panginoong Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento