Sabado, Agosto 1, 2020

MAKIKINIG BA TAYO SA KANYA?

6 Agosto 2020 
Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon (A)
Daniel 7, 9-10. 13-14/Salmo 96/2 Pedro 1, 16-19/Mateo 17, 1-9 


Nang si Hesus ay magbagong-anyo sa Bundok ng Tabor, nagsalita ang Diyos Ama mula sa kalangitan. Ang sabi ng Ama: "Ito ang minamahal Kong Anak na lubos Kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo Siya!" (Mateo 17, 5) Ang mga salitang ito ay patuloy na umalingawngaw sa kasalukuyang panahon. Tayong lahat ay patuloy na inuutusan ng Ama na makinig kay Hesus. Si Hesus ay dapat nating pakinggan. 

Matapos magbagong-anyo, habang bumababa sa bundok, si Hesus ay nagbigay ng isang utos sa tatlong apostol na sina Pedro, Santiago, at Juan na nakasaksi sa pangyayaring ito. Mahigpit Niyang inutusan ang mga apostol na manatiling tahimik tungkol sa nakita nila hanggang sa Muling Pagkabuhay ng Anak ng Tao (Mateo 17, 9). Kung tutuusin, iyon nga ang ginawa ng mga apostol. Nagsalita sila tungkol kay Hesus sa bawat lugar na kanilang pinuntahan sa kanilang misyon bilang Kanyang mga saksi matapos ang Kanyang Muling Pagkabuhay. Katunayan, si Apostol San Pedro ay nagsalita tungkol sa Pagbabagong-Anyo ng Panginoong Hesukristo sa bundok sa Ikalawang Pagbasa. Binigyan rin niya ng pansin ang tinig ng Amang nasa langit. Ang tinig ng Amang nasa langit na nagpakilala sa Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo. Ang tinig ng Amang nasa langit na nag-utos sa mga apostol na pakinggan si Kristo. 

Ang utos ng Amang nasa langit ay hindi lamang para sa tatlong apostol na kasama ni Hesus sa bundok noong Siya'y nagbagong-anyo. Ang utos na ito ng Amang nasa langit ay para rin sa bawat Kristiyano mula noon hanggang ngayon. Binibigyan ng pansin sa espesyal na araw na ito na inilaan ng Simbahan para sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon ang utos ng Ama. Ang bawat isa sa atin ay inuutusan ng Amang nasa langit na makinig kay Hesus. 

Sabi ni Daniel sa wakas ng Unang Pagbasa na ang Nabubuhay Magpakailanaman ay paglilingkuran ng lahat ng tao, bansa, at wika, at ang Kanyang kaharian ay hindi magwawakas at mawawasak (7, 14). Sabi ng Panginoong Hesukristo sa wakas ng ika-28 kabanata ng Ebanghelyo ni San Mateo na ibinigay sa Kanya ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa (28, 18). Si Hesus ay ibinigay sa atin ng Ama upang maging ating hari. Si Hesus ang haring nakaluklok sa kanan ng Ama. Hindi dumating sa lupa ang tunay na Hari na si Hesus taglay ang buo Niyang kadakilaan. Bagkus, buong kababaang-loob Siyang dumating bilang isang payak na tao katulad nating lahat, maliban na lamang sa kasalanan. Nang Siya'y magbagong-anyo, ang Kanyang kaluwalhatian bilang Diyos at Hari ay Kanyang ipinasulyap. Nang Siya'y magbagong-anyo, ipinakilala Siya ng Amang nasa langit at inutusan ang lahat na Siya'y pakinggan. 

Hindi lamang para sa tatlong apostol ang utos ng Amang nasa langit. Ang utos na ito ay para sa lahat ng mga Kristiyano. Patuloy na umaalingawngaw ang utos na ito sa kasalukuyang panahon. Ang bawat isa sa atin ay patuloy na inuutusan ng Ama na makinig sa Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus. 

Inuutusan tayo ng Ama na makinig kay Kristo. Makikinig ba tayo sa Kanya? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento