Huwebes, Agosto 27, 2020

HINDI PARA SA NAGHAHANAP NG KAGINHAWAAN NG BUHAY DITO SA LUPA

29 Agosto 2020  
Paggunita sa Pagpapakasakit ni San Juan, ang Tagapagbinyag, martir 
Jeremias 1, 17-19/Salmo 70/Marcos 6, 17-29 


Ang pagpanig sa Diyos ay hindi madaling gawin. Hindi maginhawa ang buhay ng mga taong sumusunod sa Diyos. Ang Panginoong Diyos ay hindi nangako na hindi haharap o dadanas ng mga pagsubok sa buhay dito sa daigdig ang mga nagpasiyang pumanig sa Kanya nang buong katapatan. Wala Siyang ipinangakong ganyan. Kahit nga Siya, hindi naging ligtas mula sa mga pagsubok at panganib sa buhay nang Siya'y magkatawang-tao at mamuhay sa mundo sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus. Kung si Kristo na tunay na Diyos at tunay na tao ay hindi naging ligtas mula sa panganib at pagsubok sa daigdig na ito, ano pa kaya ang mga nananalig at sumusunod sa Kanya nang buong katapatan? 

Isang halimbawa ng mga nanatiling tapat sa Panginoong Diyos hanggang sa huli ay si San Juan Bautista. Ang araw na ito ay inilaan sa paggunita sa pagkamartir ni San Juan Bautista. Namatay si San Juan Bautista bilang isang martir. Ang kanyang pagkamartir ay isinalaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Kung tutuusin, maaari namang bawiin ni San Juan Bautista ang mga salitang binitiwan niya laban kay Haring Herodes noong siya'y nangaral sa Ilog Jordan. Maaari naman niyang bawiin ang mga tila maanghang na salita na kanyang binitiwan laban kay Haring Herodes. Maaari na lang siyang magsalita tungkol sa matamis na pag-ibig ng Diyos upang wala siyang makabangga. Subalit, sa halip na gawin iyon, ipinagpatuloy ni Juan Bautista ang pangangaral tungkol sa katotohanan, kahit sino pa ang matamaan. 

Tulad ni Jeremias sa Unang Pagbasa, si San Juan Bautista ay hinirang ng Diyos hindi upang magpatawa ng mga tao. Bagkus, hinirang siya upang magpatotoo ukol sa katotohanan. Iyon ang ginawa ni San Juan Bautista. Kahit alam niyang siya'y uusigin at papatayin dahil sa kanyang pangangaral at pagsaksi tungkol sa katotohanan, hindi siya tumigil sa paggawa nito. Bagkus, patuloy niya itong ginawa ito, kahit katumbas nito ang sarili niyang buhay dito sa lupa. 

Hindi tiniyak ng Diyos na magiging maginhawa ang buhay ng mga tapat sa Kanya dito sa daigdig. Bagkus, ang kaganapan ng Kanyang pagpapala ay makakamit sa langit. Ito ang aral at mensahe ng pagkamartir ni San Juan Bautista. Ang tanong para sa atin - handa ba tayong manatiling tapat sa Diyos sa kabila ng mga pagsubok at pag-uusig? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento