Huwebes, Agosto 20, 2020

ANG IBINAGSAK AT ITINAAS NG DIYOS

23 Agosto 2020 
Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 22, 19-23/Salmo 137/Roma 11, 33-36/Mateo 16, 13-20 


Sa Unang Pagbasa, inilarawan ang pagbagsak kay Sabna. Sabi pa rito na siya'y isang katiwala sa palasyo. Subalit, ginalit niya ang Panginoong Diyos. Dahil ginalit niya ang Panginoon si Sabna ay ibinagsak mula sa kanyang kinatatayuan. Dahil sa kanyang ginawa, hindi na siya magtatagal sa kanyang kalagayan. Hindi na siya magtatagal sa kanyang posisyon. Tatangalin at babawiin ng Diyos mula kay Sabna ang kanyang posisyon. Hindi na tataglayin o mapapakinabangan ni Sabna ang lahat ng kapangyarihan, kayamanan, at karangalang kalakip ng kanyang posisyon dahil binawi ng Panginoon mula sa kanya ang lahat ng iyon.

Ano nga ba ang ginawa ng katiwalang ito na nangangalang Sabna? Paano ba niya ginalit ang Panginoong Diyos? Ang mga talata sa Unang Pagbasa ay bahagi ng pahayag ng Diyos laban kay Sabna. Nasasaad sa unang bahagi ng pahayag ng Diyos laban kay Sabna na humukay siya ng kanyang sariling libingan sa gilid ng bundok (Isaias 22, 16). Wala namang masama sa paghukay ng libingan. Subalit, sa kaso ni Sabna, ipinapahiwatig nito ang kanyang pagiging sakim at abusado. Sa halip na gamitin ang kanyang kapangyarihan bilang katiwala ng palasyo para sa mabuti, ginamit niya ito para sa sariling kapakanan. Inabuso niya ang kanyang kapangyarihan. Parang diyos na ang tingin niya sa kanyang sarili. Pinairal niya ang pagka-abuso niya. Nakalimutan niya na isa lamang siyang tao. Dahil diyos na ang tingin ni Sabna sa kanyang sarili, inabuso niya ang kanyang kapangyarihan. 

Isinalaysay naman sa Ebanghelyo ang kabaligtaran nito. Ibinigay ni Hesus ang mga susi sa kaharian ng langit kay Apostol San Pedro. Ang mga susi sa kahrian ng langit ay tanda ng kapangyarihang ibinigay ni Hesus kay Apostol San Pedro. Mula sa sandaling ito, si Apostol San Pedro ay naging unang Santo Papa ng tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ni Kristo sa lupa. Matapos ipahayag ni Apostol San Pedro na si Hesus ay ang ipinangakong Mesiyas na isinugo ng Diyos, siya'y ginawang unang Santo Papa ng Simbahan. Katunayan, bago pa man siya tawagin at hirangin ng Panginoong Hesus upang maging Kanyang alagad, at kalauna'y itinalaga bilang unang Santo Papa ng Kanyang Simbahan, si Apostol San Pedro ay namuhay bilang isang mangingisda lamang. Mababa lamang ang kanyang kalagayan o estado sa lipunan. Subalit, nagbago ang lahat para sa kanya nang siya'y pinili't hinirang ni Kristo upang maging Kanyang apostol at kalauna'y itinalaga bilang unang Santo Papa ng Simbahan. Mula sa kanyang abang kalagayan bilang isang simpleng mangingisda, si Apostol San Pedro ay itinampok at itinaas ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus. 

Sa huling bahagi ng Ikalawang Pagbasa, sinabi ni Apostol San Pablo na ang Diyos ang pinagmulan ng lahat ng bagay (Roma 11, 36). Ang lahat ng bagay ay mula sa Diyos. Ang Diyos ay may-ari ng lahat ng bagay. Dahil pagmamay-ari ng Diyos ang lahat ng bagay, mayroon Siyang karapatang ibigay at bawiin ang mga iyon. Ang mga salitang ito ay katulad ng mga salita ni Job kung saan inihayag niya na ang Panginoong Diyos ang nagbigay at Siya rin ang babawi (Job 1, 21). Ito rin ang binigyan ng pansin ng Mahal na Birheng Maria sa isang bahagi ng kanyang awitin o kantikulo na kilala bilang "Magnificat": "Pinangalat Niya ang mga palalo ang isipan./Ibinagsak Niya ang mga hari mula sa kanilang trono,/at itinaas ang mga nasa abang kalagayan" (Lucas 1, 51-52). Ang Panginoon ay may kapangyarihang magbigay at bumawi. Ang Diyos ay may kapangyarihan magtaas o magpabagsak sa bawat tao. Iyan ay dahil Siya ang pinagmumulan ng lahat ng bagay. 

Ang bawat isa sa atin ay ipinapaalala ng mga Pagbasa ngayong Linggo na hindi mula sa atin ang lahat ng bagay. Sa Diyos lamang nagmumula ang lahat ng bagay. Kaya, huwag tayong magmamataas dahil wala tayong karapatan gawin iyon. Kung paiiralin natin ang pagmamataas, ibabagsak tayo ng Panginoon pagdating ng araw bilang ganti sa atin dahil ang tingin ng mga mapagmataas sa kanilang mga sarili ay isang diyos. Subalit, kung paiiralin natin ang kababaang-loob, itataas tayo ng Diyos dahil hindi natin Siya nakakalimutan kapag iyon ang pinairal natin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento