9 Agosto 2020
Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
1 Hari 19, 9a. 11-13a/Salmo 84/Roma 9, 1-5/Mateo 14, 22-33
Sa mga Pagbasa para sa Linggong ito, binibigyan ng pansin ang pagkabanayad ng Panginoong Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang pagkabanayad, ang Panginoong Diyos ay naghahatid ng kapanatagan ng loob sa ating lahat. Tanging Siya lamang ang makakapawi sa ating takot at pangamba. Ang Panginoong Diyos lamang ang makakapagpanatag sa ating lahat. Ang Kanyang banayad na tinig ay nagbibigay ng kapanatagan sa bawat isa sa atin.
Takot ang naramdaman ni propeta Elias sa Unang Pagbasa. Iyan ang dahilan kung bakit siya tumungo sa bundok ng Horeb, ang bundok ng Panginoong Diyos. Noong una pa nga, hinangad na niyang mamatay. Ano ang kanyang kinatakutan? Nais siyang ipapatay ni Reyna Jezebel matapos ang nangyari sa Bundok ng Carmelo kung saan ipinamalas ng Panginoon ang Kanyang kapangyarihan laban sa diyus-diyusang si Baal. Subalit, sa halip na hayaang mamatay si propeta Elias, ipinadala ng Diyos ang Kanyang anghel upang siya'y pakainin at painumin (1 Hari 19, 1-8). Matapos nito, siya'y nakarating sa bundok ng Horeb kung saan ang nakatagpo niya ang Panginoong Diyos. Sabi pa nga sa Unang Pagbasa, ang Panginoong Diyos ay hindi niya natagpuan sa napakalakas na hangin, sa lindol, o kaya sa kidlat. Bagkus, lumabas mula sa yungib si propeta Elias matapos makarinig ng isang banayad na tinig. Saan nagmumula ang banayad na tinig? Sa Diyos. Ang tinig ng Panginoon ay napakabanayad. Ang tinig ng Diyos na napakabanayad ang nagpagaan sa loob ni propeta Elias. Si propeta Elias ay nakaramdam ng kapanatagan dahil ang tinig ng Diyos na napakabanayad ay kanyang narinig.
Ito rin ang naranasan ng mga apostol sa Ebanghelyo. Isinalaysay sa Ebanghelyo ang paglalakad ng Panginoong Hesus sa ibabaw ng tubig. Ang mga apostol ay nakaramdam ng matinding takot. Natakot sila dahil sa napakalakas na hangin na umiihip nang pasalungat. Malapit nang malubog ang kanilang bangka. Dumagdag pa rito ang tila isang multo na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Subalit, hindi isang multo ang kanilang nakita kundi ang Panginong Hesus. Nagpakilala pa nga Siya sa kanila sa isang banayad na paraan, "Huwag kayong matakot; si Hesus ito!" (Mateo 14, 27). Sa kabila ng unos, si Hesus ay nanatiling banayad at mahinahon.
Bagamat hindi naniwala agad ang ilan sa mga apostol na nakasakay sa bangka, tulad na lamang ni Apostol San Pedro, ipinakita pa rin ng Panginoong Hesus ang Kanyang kahinahunan at pagkabanayad. Kahit na Siya'y hindi pinaniwalaan ng ilan sa mga apostol noong una Siyang nagpakilala sa kanila, hindi Siya nagpakita ng galit o init ng ulo. Kahit na si Apostol San Pedro ay unti-unting nalunod habang naglalakad sa ibabaw ng tubig upang makalapit sa Kanya dahil sa tindi ng takot at kakulangan ng pananalig, hindi nawala ang pagkabanayad ni Hesus. Nanatili pa ring mahinahon at banayad ang Panginoon. Oo, pinagsabihan ni Kristo si Apostol San Pedro habang inililigtas Niya ang alagad Niyang ito (Mateo 14, 31). Subalit, sa kabila nito, si Hesus ay hindi nagalit o nainis. Bagkus, ipinakita Niya ang Kanyang pagkabanayad habang Kanyang pinagsasabihan at inililigtas si Apostol San Pedro. Dahil diyan, ang sabi ng mga apostol sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo, "Tunay na Kayo ang Anak ng Diyos!" (Mateo 14, 32).
Hindi lalayo pa si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. May mga sandali sa kanyang buhay bilang apostol sa mga Hentil kung saan siya'y labis na natakot dahil sa pag-uusig. Kahit na siya'y isang misyonero ni Kristo, hindi nawala sa kanya ang takot sa pag-uusig. Natatakot siyang makaranas ng matinding pag-uusig. Subalit, ang pagkabanayad ng Panginoon ang pumanatag sa kanya. Iyan ang dahilan kung bakit niya nasabi sa Ikalawang Pagbasa na siya ay nagpapatotoo sa katotohanan (Roma 9, 1). Ang banayad na Panginoon ay naghatid sa kanya ng kapanatagan. Dahil diyan, si Apostol San Pablo ay patuloy na nangaral at nagpatotoo sa lahat ng tao tungkol sa katotohanan na nagmumula kay Kristo hanggang sa huli.
Ang Panginoon ay banayad at mahinahon. Kapanatagan ang Kanyang kaloob sa bawat isa sa atin. Sa tuwing tayo'y nakakaramdam ng takot, lumapit lamang tayo sa Kanya. Ang bawat isa sa atin ay bibigyan Niya ng kapanatagan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento