Biyernes, Agosto 28, 2020

MAGPASIYA NANG MABUTI

30 Agosto 2020 
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Jeremias 20, 7-9/Salmo 62/Roma 12, 1-2/Mateo 16, 21-27 



Inilarawan sa mga Pagbasa ang katotohanan tungkol sa pagsunod sa Panginoon nang buong katapatan. Hindi madaling maging isang matapat na lingkod ng Diyos dahil sa mga matitinding hamon ng buhay. Hindi ligtas mula sa mga pagsubok at pag-uusig sa buhay ang lahat ng mga nagpasiyang maging tapat sa Kanya. Kung tutuusin, hindi naman ipinangako ng Panginoong Diyos na magiging maginhawa ang buhay ng mga nananalig at sumusunod sa Kanya nang buong katapatan dito sa daigdig kailanman. 

Sabi na nga mismo ni Hesus sa Ebanghelyo na ang mga nais sumunod sa Kanya nang buong katapatan ay dapat magpasan ng krus at sumunod sa Kanya (Mateo 16, 24). Inihahayag natin sa pamamagitan nito ang ating katapatan sa Kanya. Kung paanong inihayag ni Kristo ang Kanyang katapatan sa Ama at sa sangkatauhan, kailangan nating ipakita ang ating katapatan sa Kanya, gaano mang kahirap itong gawin. Kung ang ating pag-ibig, pananalig, at pananampalataya sa Diyos ay tunay, handa tayong tuparin ang Kanyang mga utos at loobin, gaano pa man ito kahirap. 

Tulad ni propeta Jeremias na nakaranas ng paglilibak at pangungutya ng mga tao dahil sa kanyang pagiging propeta ng Diyos sa Unang Pagbasa, at tulad ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, tutuparin natin ang kalooban ng Diyos kung ang ating pagmamahal sa Kanya ay tunay. Iyan ang patunay na tayo'y nasa panig ng Panginoong Diyos. Ang pakiusap ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa: ialay ang buhay sa Diyos (Roma 12, 1). Ang mga propeta katulad ni Jeremias sa Unang Pagbasa at mga apostol tulad ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ay hindi naging ligtas mula sa mga pagsubok at pag-uusig sa buhay sa daigdig na ito. Subalit, sa kabila nito, pinili nilang maging tapat sa Diyos. Gaano mang kahirap iyon, lalo na sa mga sitwasyon kung saan nahaharap sila sa matinding panganib, pinili pa rin nilang pumanig sa Diyos. Inihayag nila ang kanilang pasiya na maging tapat sa Panginoong Diyos hanggang sa huli sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang kalooban. Iyan ang kailangan nating gawin kung tunay nating minamahal, sinasamba, pinananaligan, at sinasampalatayanan ang Diyos. 

Kailangan nating magpasiya nang mabuti kung handa ba tayong manatiling tapat sa Diyos hanggang sa huli. Tandaan, hindi ito madaling gawin kaya kailangang pagpasiyahan natin ito nang mabuti. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento