Huwebes, Setyembre 3, 2020

PANANAGUTAN NATIN SA DIYOS

6 Setyembre 2020 
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Ezekiel 33, 7-9/Salmo 94/Roma 13, 8-10/Mateo 18, 15-20  


"Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang. Walang sinuman ang namamatay para sa sarili lamang. Tayong lahat ay may pananagutan sa isa't isa. Tayong lahat ay tinipon ng Diyos na kapiling Niya." Ang mga salitang ito ay mula sa awiting "Pananagutan" na kinatha ng yumaong Padre Eduardo Hontiveros SJ. Isa ito sa mga napakasikat na awitin na kanyang isinulat. Madalas itong marinig tuwing sasapit ang panahon ng Kuwaresma, subalit inaawit rin ito sa labas ng panahong yaon. Ang awiting ito ay hindi lamang pang-Kuwaresma.

Napakaganda ng aral at mensahe ng awiting "Pananagutan." Isa lamang ang aral o mensahe ng awiting ito. Ang ating kapwa ay ang ating pananagutan sa Diyos. Ang bawat isa sa atin ay may tungkulin bilang kapwa. Kailangan nating maging mabuti sa ating kapwa. Kailangan nating ituring ang isa't isa bilang ating kapwa. Iyan ang pananagutan o responsibilidad na kinakailangan nating tuparin. Ang nagbigay ng responsibilidad na iyan sa atin ay walang iba kundi ang Diyos.  

Tinalakay sa mga Pagbasa para sa Linggong ito ang pakikipag-kapwa. Katunayan, inilalarawan ng mga Pagbasa ang kahalagahan ng pagiging isang mabuting kapwa. Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Diyos na mananagot sa Kanya si propeta Ezekiel kapag hindi niya ipinarating sa bayang Israel o sa isang tao ang babalang nais Niyang iparating sa kanila (Ezekiel 33, 7-8). Sa Ikalawang Pagbasa, si Apostol San Pablo ay nagsalita tungkol sa pag-ibig para sa kapwa. Kailangan nating ibigin ang ating kapwa (Roma 13, 8). Sa Ebanghelyo, si Hesus ay nagturo tungkol sa pakikipagkasundo sa kapwa kapag may alitan o 'di pagkakaunawaan. 

Kung tutuusin, isa lamang ang aral na ibinibigay sa atin sa Linggong ito. Maging mabuting kapwa. Makipagkapwa. Magpaka-kapwa. Iyan ang ating pananagutan o responsibilidad sa Diyos. Ang bawat isa sa atin ay binigyan ng Panginoong Diyos ng pananagutan sa ating kapwa-tao. Ang ating tungkulin bilang mga Kristiyano at bilang tao ay ang pagiging mabuting kapwa sa isa't isa. 

Maging mabuting kapwa. Magpaka-kapwa. Ang Panginoon ay nalulugod sa mga tutupad sa kanilang pananagutan na maging isang mabuting kapwa. Inihahayag ng bawat isa sa pamamagitan ng pagiging mabuting kapwa sa isa't isa ang kanilang pag-ibig para sa Diyos na nagbigay ng tungkuling ito sa lahat ng tao. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento