15 Setyembre 2020
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria na Nagdadalamhati
Hebreo 5, 7-9/Salmo 30/Juan 19, 25-27 (o kaya: Lucas 2, 33-35)
Ang araw na ito ay inilaan ng Simbahan sa paggunita at pagninilay sa mga hapis ng Mahal na Birheng Maria. Sa kabila ng hapis at dalamhati, ipinakita ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang pag-ibig para sa kanyang Anak na si Hesus. Kahit na siya'y napuno ng hapis at dalamhati sa ilang mga sandali ng kanyang buhay dito sa daigdig, hindi nabawasan ang pag-ibig ng Mahal na Ina para sa Panginoon. Kung tutuusin, sa mga sandali ng hapis at dalamhati, ipinakita ni Maria ang kanyang pag-ibig para sa kay Kristo. Ang hapis at dalamhati ay hindi naging hadlang para kay Maria upang patunayan ang kanyang pag-ibig kay Hesus na kanyang Anak.
Sa Unang Pagbasa, binigyan ng pansin ang pagdurusa ni Hesus. Sa Ebanghelyo, inilarawan ang sakit at hapis ni Maria habang nasilayan ang kanyang Anak na si Hesus na nakabayubay sa krus. Katunayan, labis ang kanyang hapis nang marinig niya mula kay Simeon sa isa pang salaysay sa Ebanghelyo na maaaring gamitin sa araw na ito na ang puso niya'y "para na ring tinarakan ng isang balaraw" (Lucas 2, 35). Siguro, naaalala ng Mahal na Inang si Maria ang mga salitang ito ni Simeon habang siya'y nasa paanan ng krus ni Kristo. Napakasakit para sa Mahal na Ina na masilayan ang Panginoong Hesukristo na nakapako sa krus. Subalit, sa kabila nito, pinili pa rin ni Maria na samahan si Hesus hanggang sa huli. Kahit masakit para sa kanya, hindi niya iniwan si Hesus sa mga huling sandali ng Kanyang buhay.
Ipinakita ni Maria sa pamamagitan ng kanyang pananatili sa tabi ng kanyang Anak na si Hesus hanggang sa kahuli-hulihan ang kanyang katapatan at pagmamahal para sa Kanya. Kahit labis na nagdalamhati at nasaktan sa mga sandaling iyon ang Mahal na Ina, pinili pa rin niyang ipakita ang kanyang pagmamahal at katapatan kay Kristo hanggang sa kahuli-hulihan.
Para sa mga tunay na umiibig, hindi magiging hadlang sa pagpapakita ng pag-ibig ang sakit at hapis. Iyan ang aral na itinuturo ng Mahal na Birheng Maria, ang Ina ng Hapis. Sa gitna ng hapis at sakit, patuloy niyang ipinakita ang kanyang katapatan at pag-ibig kay Hesus.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento