Linggo, Setyembre 20, 2020

MGA PAGKAKATAONG IBINIBIGAY NG DIYOS

27 Setyembre 2020 
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Ezekiel 18, 25-28/Salmo 24/Filipos 2, 1-11 (o kaya: 2, 1-5)/Mateo 21, 28-32 


Isa lamang ang aral na itinuturo sa atin ng mga Pagbasa para sa Linggong ito. Ang bawat isa sa atin ay binibigyan ng Diyos ng pagkakataong maging mabuti at banal katulad Niya. Ilang ulit man tayo magkasala laban sa Kanya, binibigyan Niya tayo ng pagkakataong magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kanya. Ang Diyos ay hindi titigil sa pagbibigay ng pagkakataon sa bawat isa sa atin habang nabubuhay pa tayo sa daigdig na ito. Hindi Niya tayo susukuan habang nabubuhay pa tayo sa daigdig. Patuloy Niya tayong binibigyan ng pagkakataong maging banal. 

Sabi nga ng Panginoong Diyos mismo sa Unang Pagbasa, magkakaroon ng buhay ang mga masasamang nagpakabuti. Ang mga salitang ito ng Panginoong Diyos ay naghahatid ng pag-asa sa lahat. Inihayag mismo ng Panginoong Diyos na mayroong pagkakataong magbago ang bawat tao. Gaano pa man kasama ang isang tao, hindi pa huli ang lahat para sa kanya habang siya'y nabubuhay pa sa daigdig. Hindi magiging hadlang ang bilang at ang bigat ng mga kasalanan ng bawat tao upang siya'y makapagbagong-buhay at magpakabuti. 

Ang aral na ito ay binigyan ng pansin ni Hesus sa Ebanghelyo. Ginamit Niya ang talinghaga tungkol sa dalawang anak upang ilarawan ang puntong ito. Gaano man karami o kabigat ang mga nagawang kasalanan, hindi ito magiging basehan upang malaman kung may pag-asa pang magbago ang isang makasalanan. Habang may buhay pa ang bawat tao sa mundo, mayroon pa silang pag-asang tahakin ang landas ng kabanalan. Maaari pa silang magbago at maging mabuti sa paningin ng Diyos. Hindi ipagkakait ng Panginoon ang pagkakataong magbagong-buhay mula sa isang tao dahil sa dami o sa bigat ng mga nagawang kasalanan. Hindi iyan ang gawain ng Diyos. Bagkus, patuloy Niyang bibigyan ng pagkakataon ang bawat tao upang magbagong-buhay at maging banal.

Bakit binibigyan ng Diyos ang bawat tao ng pagkakataong magbagong-buhay at maging banal? Nais ng Diyos na mamuhay na nakaugnay kay Kristo ang bawat tao sa mundong ito. Si Apostol San Pablo ay nagsalita at nangaral tungkol sa buhay na nakaugnay sa Panginoong Hesus sa Ikalawang Pagbasa. Iyan ang nais ng Diyos para sa lahat. Nais ng Diyos na mamuhay na nakaugnay kay Kristo ang lahat. Ang tanging hangarin ng Diyos para sa bawat isa ay makaugnay ang Panginoong Hesukristo. Nais ng Diyos na ang bawat isa sa atin ay Kanyang makaugnay. 

Kaya naman, huwag nating sayangin ang mga pagkakataong ibinibigay ng Diyos sa ating lahat. Patuloy Niya tayong binibigyan ng pagkakataong magbagong-buhay, maging mabuti, at tahakin ang landas ng kabanalan. Samantalahin natin ang mga pagkakataong ibinibigay ng Diyos sa atin. Kapag ginawa natin iyon, makakaugnay nating lahat ang butihing Panginoong Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento