8 Setyembre 2020
Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria
Mikas 5, 1-4a (o kaya: Roma 8, 28-30)/Salmo 12/Mateo 1, 1-16. 18-23
Ipinapaliwanag sa mga Pagbasa ang dahilan kung bakit inilaan ng Simbahan ang araw na ito upang ipagdiwang ang Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria. Bakit nga ba napakaespesyal ang araw ng pagsilang ng Mahal na Birheng Maria sa daigdig? Sabi sa Unang Pagbasa na isang babae ang magsisilang sa sanggol na itinakdang maging hari (Mikas 5, 2). Ipinakilala naman sa Ebanghelyo ang babaeng iyon na walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria. Siya ang babaeng magsisilang sa tunay na Hari na si Hesus, ang Bugtong na Anak ng Diyos, pagdating ng takdang panahon. Iyan ang dahilan kung bakit napaka-espesyal ng araw na ito.
Matapos ang kanyang kalinis-linisang paglilihi at ang siyam na buwan na pananatili sa sinapupunan ng kanyang inang si Santa Ana, ang Mahal na Birheng Maria ay isinilang sa daigdig na ito. Hindi pangkaraniwan ang sanggol na isinilang ni Santa Ana. Bagkus, ang sanggol na ipinaglihi't ipinanganak ni Santa Ana ay ang pinili't hinirang ng Diyos upang maging ina ni Kristo. Ang sanggol na ipinaglihi at isinilang ni Santa Ana ay itinalaga ng Diyos para sa isang tungkulin. Magkakaroon siya ng papel sa planong pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan. Ang papel na ibinigay ng Diyos sa kanya - maging ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos.
Ang araw na ito ay napakaespesyal dahil ipinagdiriwang natin ang pagsilang ng isang hindi pangkaraniwang sanggol. Siya'y walang iba kundi ang Mahal na Inang si Maria. Siya'y hindi pangkaraniwan dahil niloob ng Diyos na siya'y maging isang napakaespesyal na babae. Si Maria ay itinalaga ng Panginoon para sa isang hindi pangkaraniwang tungkulin. Iyan ang dahilan kung bakit siya napakaespesyal.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento