Huwebes, Setyembre 17, 2020

ANG PAGLILINGKOD AY HINDI TUNGKOL SA PAGKAMIT NG GANTIMAPALA MULA SA DIYOS

20 Setyembre 2020 
Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 55, 6-9/Salmo 144/Filipos 1, 20k-24. 27a/Mateo 20, 1-16a 


Isang magandang paksa o tema ang pinagtutuunan ng pansin sa mga Pagbasa para sa Linggong ito. Tinalakay ang paglingkod sa Diyos. Ang mga tunay na lingkod ng Diyos ay hindi naghahanap o naghahangad ng anumang kapalit para sa Kanya. Oo, makakatanggap ng pagpapala at gantimpala mula sa Diyos ang lahat ng mga maglilingkod sa Kanya. Subalit, ang mga tunay na lingkod ng Panginoong Diyos ay hindi naghahangad ng anumang gantimpala mula sa Kanya. Bagkus, ang tangi nilang hinahangad ay paglingkuran ang Diyos. 

Ang talinghaga tungkol sa mga manggagawa sa ubasan ay isinalaysay ni Hesus sa Ebanghelyo. Ang mga manggagawa na kumayod at nagtrabaho buong araw ay nagreklamo sa may-ari ng ubasan dahil tila hindi makatarungan ang ginawa niya sa kanila. Parehas lamang ang bayad sa lahat ng mga manggagawa sa ubasan. Ang mga unang nagtrabaho sa ubasan ay nakatanggap ng bayad na tulad ng ibinayad sa mga sumunod sa kanila. Kung gagamitin ang lohika o pananaw ng mundong ito, hindi makatarungan ang ginawa ng may-ari ng ubasan sa talinghaga ni Kristo. 

Kinukunsinti ba ni Kristo ang kawalan ng katarungan? Kinukunsinti ba ni Kristo ang pagiging abusado? Hindi. Ang talinghagang ito ay hindi isinalaysay ni Kristo upang ibigay ang Kanyang pagkunsinti sa pang-aabuso at kalupitan. Katunayan, si Kristo nga ay naging biktima ng kawalan ng katarungan. Ang Kanyang kamatayan sa krus ay hindi makatarungan. Isinalaysay Niya ang talinghagang ito upang ilarawan ang kabutihan at kagandahang-loob ng Diyos. Ang kabutihan at kagandahang-loob ng Diyos ang dahilan kung bakit iniligtas Niya ang sangkatauhan sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus. 

Naghangad ba ng kapalit ang Diyos noong iniligtas Niya ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo? Hindi. Ang Diyos ay hindi naghangad ng kapalit mula sa sangkatauhan. Bagkus, ginawa Niya ito sapagkat niloob Niyang mangyari ito. Kahit na hindi masusuklian ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob, ginawa pa rin Niya ito. Iyan ang kabutihan at kagandahang-loob ng Diyos. Hindi naghahanap o naghahangad ng kapalit. 

Kaya naman, ang panawagan sa Unang Pagbasa ay para sa ating lahat. Hanapin at hangarin ang Panginoong Diyos. Ito rin ang panawagan ni Apostol San Pablo sa wakas ng kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Pagsikapang mamuhay ayon sa Mabuting Balita (Filipos 1, 27a). Kapag pinagsikapan nating mamuhay ayon sa Mabuting Balita, ipinapakita natin na hinahangad natin ang Panginoong Diyos nang higit sa lahat ng bagay. 

Ang bawat isa sa atin ay hinahamon na maglingkod sa Panginoong Diyos nang hindi naghahangad ng anumang kapalit sa Kanya. Ang mga tunay na naglilingkod sa Panginoon ay hindi naghahangad ng anumang gantimpala mula sa Kanya. Hindi nila hinahabol ang Kanyang gantimpala. Bagkus, ipagpapatuloy nila ang kanilang paglilingkod sa Panginoon nang buong puso at nang buong sarili.  

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento