Sabado, Setyembre 26, 2020

ANG KAGITINGAN NG MGA TAPAT SA DIYOS

28 Setyembre 2020 
Paggunita kay San Lorenzo Ruiz at mga Kasama, mga martir 
Sirak 2, 1-18/Salmo 115/1 Pedro 2, 1-25*/Mateo 5, 1-12 
*Maaring laktawan 



Ang araw na ito ay inilaan upang gunitain ang unang Martir at Santo ng Pilipinas na walang iba kundi si San Lorenzo Ruiz. Isa itong espesyal na araw na ito sapagkat inaalala natin ang kagitingan ng unang Pilipinong Santo at Martir na si San Lorenzo Ruiz. Bilang unang Pilipinong Santo at Martir, ipinakita niya ang kanyang katapatan sa Panginoon hanggang sa huli. Iyan ang dahilan kung bakit siya itinatampok at ginugunita sa araw na ito. Nanatili siyang tapat hanggang sa huli. Kahit na siya'y inusig, ipinasiya pa rin niyang manatiling tapat kay Kristo. Iyan ang aral na ating matutunan mula kay San Lorenzo Ruiz, ang unang Pilipinong Santo at Martir.

Sa isang bahagi ng mahabang pangaral sa Unang Pagbasa, ang kagandahang-loob at habag ng Diyos ay inilarawan sa pamamagitan ng mga tanong. Ang Diyos ay hindi nagpapabaya. Wala Siyang bibiguin. Ang mga naglilingkod sa Diyos nang buong katapatan ay hindi masisiphayo kailanman. Ang Diyos ay hindi naghahatid ng kabiguan o kasiphayuan sa Kanyang mga matapat na lingkod. 

Ito rin ang binigyan ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo. Ang mga inuusig alang-alang sa Kanya ay itinuring na mapalad. Kahit na inuusig sila, mapalad pa rin sila sa paningin ng Diyos dahil ipinapakita nila ang kanilang katapatan sa Kanya. Kahit nasa harap ng matinding panganib, pinili pa rin nilang mamuhay alang-alang sa Diyos. Pinili nilang talikuran ang kasamaan at mamuhay nang banal. Sa halip na piliin ang kanilang sarili, pinili nila ang Panginoon. Ang kaharian ng Panginoon sa langit ay matatamasa nila dahil sa kanilang katapatan sa Kanya hanggang sa huli. 

Dagdag pa ni Apostol San Pedro sa unang bahagi ng kanyang mahabang pangaral sa Ikalawang Pagbasa, talikdan ang lahat ng uri ng kasamaan (2, 1). Talikuran ang makasalanang pamumuhay. Kung iyan ang gagawin natin, ipinapakita natin ang ating katapatan sa Panginoon. Ang pagtalikod natin sa kasamaan ay patunay na tayo'y nasa panig ng Diyos. Ang katapatan sa Diyos ay magiging tunay kung ang kasamaan ay tatalikdan at itatakwil.

Itinuturo sa atin ni San Lorenzo Ruiz kung paanong maging tapat sa Diyos nang buong katapatan hanggang sa huli. Sa halip na itakwil at talikdan ang Panginoong Diyos nang sa gayon ay humaba pa ang kanyang buhay dito sa mundo, ipinasiya niyang mamatay bilang isang martir. Ipinasiya niyang manatiling tapat sa Diyos, kahit na ang kapalit nito ay ang kanyang buhay dito sa daigdig. Iyan ang tunay na magiting. Iyan ang tunay na matapat sa Panginoon. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento