Miyerkules, Setyembre 9, 2020

SIYA ANG UNANG NAGPATAWAD

13 Setyembre 2020 
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Sirak 27, 33-28, 9/Salmo 102/Roma 14, 7-9/Mateo 18, 21-35 


Ang pagpapatawad ay pinagtutuunan ng pansin sa mga Pagbasa para sa Linggong ito. Ang pagpapatawad ay hindi madali. Hindi biro ang magpatawad. Kung tutuusin, hindi sinabi ng Panginoong Diyos kailanman na madaling magpatawad. Mahirap talaga magpatawad. Subalit, kahit mahirap itong gawin, kailangan pa rin natin itong gawin dahil ginawa rin ito ng Diyos sa atin. Ang bawat isa sa atin ay nagkasala laban sa Panginoon. Subalit, sa kabila ng ating mga kasalanan, pinatawad Niya tayo. Kung ang bawat isa sa atin ay pinatawad ng Panginoon, kailangan nating patawarin ang mga nagkasala laban sa atin. 

Isinalaysay ni Hesus sa Ebanghelyo para sa Linggong ito ang talinghaga tungkol sa lingkod na hindi marunong magpatawad. Hindi pinatawad ng lingkod na ito ang kanyang kapwa-lingkod na may utang sa kanya, kahit na ang kanyang utang ay pinatawad ng hari. Dahil diyan, siya'y pinarusahan ng hari sa huli. Sa pamamagitan ng talinghagang ito, itinuro ni Hesus ang kahalagahan ng pagpapatawad. Kung ang Diyos ay nagpapatawad, dapat rin tayong magpatawad. Ang aral na ito ni Kristo ay binigyan rin ng pansin sa Unang Pagbasa, Salmo, at Ikalawang Pagbasa. 

Sa Unang Pagbasa, inilarawan rin ang kahalagahan ng pagpapatawad. Sa Salmo, inilarawan ang habag at kagandahang-loob ng Panginoong Diyos. Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan kung paanong ipinakita ng Panginoong Diyos ang Kanyang awa at habag para sa lahat. Kung paanong ipinakita ng Diyos ang Kanyang awa at habag sa ating lahat, kailangan nating magpakita ng awa at habag sa kapwa. Oo, mahirap itong gawin. Hindi ito madali. Subalit, kailangan natin itong gawin dahil ang Diyos ang unang gumawa nito sa atin. Kung tunay tayong nasa panig ng Diyos, gagawin pa rin natin ito, gaano man ito kahirap gawin. 

Mas madali para sa Panginoon na hayaan tayong malipol at mapahamak dahil sa ating mga kasalanan. Subalit, sa kabila ng ating mga kasalanan, pinili Niya tayong patawarin. Kaya naman, kung tayo'y tunay ngang nasa panig ng Panginoon, pipiliin nating magpatawad katulad Niya. Pipiliin nating maging mga salamin ng Kanyang habag at awa sa ating kapwa, gaano man ito kahirap. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento