14 Setyembre 2020
Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal
Mga Bilang 21, 4b-9/Salmo 77/Filipos 2, 6-11/Juan 3, 13-17
Ang tema ng pagdiriwang ng Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal ay nasasaad sa Salmo, "Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng Diyos" (Salmo 77, 7k). Ang mga gawa ng Panginoon na naghahayag ng Kanyang kadakilaan ay hindi dapat kalimutan. Inihahayag ng Diyos ang Kanyang kadakilaan sa pamamagitan ng Kanyang mga gawa. Sa bawat sandali ng kasaysayan ng daigdig, ang Diyos ay hindi tumigil sa paggawa ng mga bagay na ito. Isa lamang ang dahilan kung bakit patuloy Niya itong ginagawa - para sa ating ikabubuti. Ang ating kapakanan ay lagi Niyang isinasaisip. Ang Diyos ay gumagawa ng mga dakilang bagay para sa ating kabutihan. Hindi Siya titigil sa paggawa ng mga ito. Kaya naman, hindi natin dapat limutin ang mga gawang ito ng Diyos na naghahayag ng Kanyang kadakilaan.
Tampok sa mga Pagbasa ang ilan sa mga dakilang bagay na ginawa ng Diyos para sa sangkatauhan. Sa Unang Pagbasa, inutusan ng Panginoong Diyos si Moises na gumawa ng isang ahas na tanso. Ang lahat ng mga Israelita na tumingin sa ahas na tanso na pinagawa ng Diyos kay Moises ay gumaling. Ang ahas na tanso na ipinagawa kay Moises ay ginamit ng Panginoon bilang Kanyang instrumento upang mapagaling ang mga Israelitang natuklaw ng makamandag na ahas. Ipinadala ng Diyos ang makamandag na ahas upang parusahan ang mga Israelita. Subalit, Siya rin ang nag-utos kay Moises na gumawa ng isang ahas na tanso upang gumaling ang lahat ng tumingin dito kahit na sila'y tinuklaw ng makamandag na ahas.
Sa Ikalawang Pagbasa at Ebanghelyo, ang pinakadakilang gawa ng Panginoon ay tinalakay at binigyan ng pansin. Walang makahihigit sa gawang ito ng Diyos. Ang Panginoon ay pumarito sa daigdig bilang tao katulad natin, maliban sa kasalanan, upang maging handog sa krus para sa ating lahat. Sa pamamagitan ng pag-aalay ng sarili ni Kristo sa krus, ang bawat isa sa atin ay naligtas. Isa lamang ang dahilan kung bakit niloob ng Diyos na mamatay si Kristo sa krus bilang handog para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan - pag-ibig. Dahil sa pag-ibig, ang Diyos ay dumating sa daigdig sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo upang iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay.
Hindi natin dapat limutin ang krus ni Hesus. Ang lahat ng hirap, sakit, at pagdurusa sa krus ay pinagdaanan ni Hesus dahil sa Kanyang pag-ibig para sa atin. Tiniis Niya ang lahat ng iyon hanggang sa Siya'y mamatay sa krus dahil minamahal Niya tayo. Huwag natin itong kakalimutan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento