9 Enero 2021
Kapistahan ng Traslacion ng Mahal na Poong Hesus Nazareno
Mga Bilang 21, 4b-9/Salmo 77/Filipos 2, 6-11/Juan 3, 13-17
(Traslacion 2021 Logo courtesy of Quiapo Church)
Para sa Simbahan sa Pilipinas at para na rin sa maraming Pilipinong Katoliko sa buong mundo, ang ika-9 ng Enero ng bawat taon ay isang napakaespesyal na araw. Ang ika-9 ng Enero ay inilaan para sa taunang pagdiriwang ng Kapistahan ng Traslacion ng Mahal na Poong Hesus Nazareno. Dati, ang Pistang ito ay ipinagdiriwang lamang sa distrito ng Quiapo sa Lungsod ng Maynila kung saan matatagpuan ang Basilika Menor ng Poong Nazareno. Katunayan, may mga sariling Pagbasa at Panalangin para sa Misa sa karangalan ng Mahal na Poong Hesus Nazareno na ginagamit lamang dati sa Quiapo. Iba iyon sa mga Pagbasa at Panalanging ginagamit sa mga Misa sa Simbahan sa Maynila at maging sa iba't ibang lugar sa Pilipinas. Hindi lamang ginagamit ang mga nasabing Pagbasa at Panalangin kapag ipinagdiriwang ang Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon sa ika-9 ng Enero. Subalit, sa paglipas ng panahon, ang bilang ng mga deboto at namamanata sa Mahal na Poong Hesus Nazareno ay lalong dumadami. Tila hindi na ito ekslusibo sa distrito ng Quiapo. May mga Simbahan sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas at maging sa iba't ibang bahagi ng mundo kung saan maraming mga Pilipinong Katoliko na nagdiriwang ng Kapistahang ito na talaga namang napakaespesyal.
Sa mga nagdaang taon, sa distrito ng Quiapo na siyang sentro ng debosyon, isinasagawa ang maringal na prusisyon ng Traslacion. Ang prusisyon ng Mahal na Poong Nazareno ay ang pinaka-highlight ng Kapistahan. Maraming deboto ang nakikilahok sa maringal na prusisyon ng Mahal na Poong Nazareno. Ang prusisyon ay nagsisimula sa Luneta at umiikot sa distrito ng Quiapo matapos tumawid ng tulay. Dahil sa dami ng mga deboto na nakikilahok sa Luneta pa lamang, may mga kalye sa ilang mga lugar sa Maynila na isinasara dahil ito'y bahagi ng ruta ng prusisyon ng Mahal na Poong Nazareno. Iyan ay dahil sa dami ng mga debotong nakikilahok mula Luneta pa lamang. Hindi nga lang ito ginagawa ngayong taon dahil sa pandemiya.
Maganda ang tema ng pagdiriwang ng Traslacion para sa taong ito. Ang tema para sa pagdiriwang ng Traslacion ng Mahal na Poong Nazareno ngayong taon ay "Huwag kayong matakot, si Hesus ito!" (Mateo 14, 27). Ito ang mga salita ni Kristo sa Kanyang mga apostoles noong nakita nilang Siyang naglalakad sa ibabaw ng tubig. Ang mga salitang ito ng Panginoong Hesus sa mga apostol ay ginamit bilang tema ng pagdiriwang ng Traslacion ngayong taon. Ang Poong Hesus Nazareno ay ipinakilala ng tema ng pagdiriwang ng Traslacion ngayong taon bilang tagapawi ng lahat ng uri ng takot, sindak, at pangamba. Katunayan, ang Mahal na Poong Hesus Nazareno mismo ay nagpakilala ng Kanyang sarili bilang tagapawi ng lahat ng uri ng takot, sindak, at pangamba sapagkat ang mga salitang ito ay nagmula sa Kanya.
Tinalakay sa mga Pagbasa para sa araw na ito ang larawan ng Mahal na Poong Hesus Nazareno bilang tagapawi ng lahat ng uri ng takot, pangamba, at sindak. Sa Unang Pagbasa, iniligtas ng Panginoong Diyos ang mga Israelita mula sa kapahamakan at kamatayan. Inutusan ng Diyos si Moises na gumawa ng isang ahas na tanso upang ang lahat ng mga titingala sa nasabing ahas na tanso ay gumaling. Iyan ay matapos magpadala ang Panginoong Diyos ng mga ahas na makamandag sa mga Israelita upang sila'y parusahan. Dahil sa Kanyang awa at habag sa mga Israelita na nangagsisisi at nagbalik-loob sa Kanya, iniligtas Niya sila mula sa parusang Siya mismo ang naghatid sa kanila. Ang ahas na tanso na ginawa ni Moises ay ginamit ng Diyos bilang instrumento ng kaligtasan. Sa Ikalawang Pagbasa, si Apostol San Pablo ay nangaral tungkol sa kababaang-loob ni Kristo na naghatid ng kaligtasan. Iniligtas ng Diyos ang sangkatauhan sa pamamagitan ng kababaang-loob ni Hesus. Sa Ebanghelyo, inilarawan kung gaano kadakila ang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan. Ang pag-ibig ng Diyos ay ang dahilan kung bakit Niya ipinasiyang iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus.
Ang kaloob ng Mahal na Poong Hesus Nazareno sa bawat isa sa atin ay hindi takot, sindak, at pangamba. Bagkus, ang Kanyang kaloob sa lahat ay galak at kaligtasan. Pinapawi Niya ang lahat ng ating takot, sindak, at pangamba sa pamamagitan ng Kanyang mga kaloob.
Ipinapaalala sa atin ng tema ng pagdiriwang ng Traslacion ngayong taon na ang Mahal na Poong Hesus Nazareno ay ang tagapawi ng lahat ng takot, sindak, at pangamba. Kapag nakakaramdam tayo ng takot, sindak, at pangamba, lumapit tayo sa Mahal na Poong Nazareno. Siya ang papawi ng lahat ng mga ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento