Lunes, Disyembre 28, 2020

NAPARITO UPANG ILIGTAS ANG LAHAT

3 Enero 2021 
Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon 
Isaias 60, 1-6/Salmo 71/Efeso 3, 2-3a. 5-6/Mateo 2, 1-12 



Ang Banal na Sanggol na ipinaglihi't isinilang ng Mahal na Birheng Maria noong gabi ng unang Pasko ay walang iba kundi ang Bugtong na Anak ng Diyos. Ang pangalan ng Banal na Sanggol na ito ay "Hesus." Ang ibig sabihin ng pangalang "Hesus" ay "Magliligtas ang Diyos." Ang kahulugan ng pangalan ng Mesiyas na dumating sa daigdig bilang isang sanggol na ipinaglihi't ipinanganak ng Mahal na Inang si Maria ay ang sentro ng pagdiriwang sa araw na ito. Ang kaligtasang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos ay hindi lamang para sa mga taong kabilang sa isang pangkat o lahi lamang. Bagkus, ang biyayang ito na mula sa Diyos ay para sa lahat ng tao. Walang isasantabi ang Diyos. Hindi ito ekslusibo. Ito'y para sa lahat ng tao dito sa daigdig anuman ang lahi, lipi, bansa, o pangkat na kinabibilangan. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo ang kaganapang ginugunita at ipinagdiriwang sa araw na ito. Ang Banal na Sanggol na si Kristo ay dinalaw at sinamba ng tatlong pantas o mago mula sa silangan. Ang tatlong pantas na ito ay hindi nagmula sa bayang Israel. Hindi sila mga Israelita. Bagkus, sila'y mga dayuhan lamang mula sa silangan. Subalit, sa kabila nito, ang tatlong ito'y hindi tumigil sa paglalakbay nang napakalayo upang hanapin ang bagong panganak na Hari na walang iba kundi ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus. Ito ay patunay lamang na ang kaligtasang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay hindi ekslusibo sa isang lahi lamang. Ito'y para sa lahat. 

Ang salaysay ng pagdalaw at pagsamba ng mga pantas sa Sanggol na Hesus na inilahad sa Ebanghelyo ay nagpapakilala sa temang binibigyan ng pansin ng Simbahan sa pistang ipinagdiriwang sa araw na ito. Ang kaligtasan ng Diyos ay para sa lahat. Iyan ang dahilan kung bakit may mga pantas mula sa silangan na dumalaw at sumamba sa Banal na Sanggol na si Hesus. Kahit na hindi sila mga Israelita, ang mga pantas na ito ay naglakbay pa rin nang napakalayo upang hanapin ang bagong silang na Hari at sumamba sa Kanya. Niloob ng Diyos na mahanap ng mga pantas na ito ang Sanggol na Hesus at makasamba sa Kanya kahit na hindi sila kabilang sa bayang Israel. Ito'y patunay lamang na niloob ng Diyos na makinabang ang lahat ng tao sa daigdig na ito sa biyaya ng Kanyang pagliligtas. Anuman ang lahi, lipi, pangkat, bayan, o bansang kinabibilangan ng bawat tao sa daigdig na ito, ang pagpapalang ito ng Diyos ay para sa kanila. Hindi na mahalaga para sa Diyos kung saang lipi, lahi, bayan, bansa, o kultura nagmula ang bawat tao sa mundo. Hindi mapipigilan ng kanilang kultura, bayan, bansa, lahi, o lipi ang bawat tao sa mundong ito na makinabang at makibahagi sa biyayang ito ng Diyos. Ang bawat tao sa daigdig ay maaaring makinabang o makibahagi sa biyayang ito na kaloob ng Panginoon. 

Nakasentro sa temang ipinakilala ng Ebanghelyo, ang salaysay ng kaganapang ginugunita at ipinagdiriwang sa araw na ito, ang mga salita sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa. Sabi sa Unang Pagbasa na ang liwanag ng Panginoong Diyos na magniningning sa lungsod ng Herusalem ang magiging dahilan kung bakit lalapit ang mga hari sa nasabing lungsod (Isaias 60, 3). Ang mga hari at pinuno ng mga bansa sa mundong ito ay maaakit sa liwanag ng Panginoon na magniningning sa Herusalem. Iyon ang dahilan kung bakit sila ay tutungo sa Herusalem. Iyon rin ang dahilan kung bakit sabi sa wakas ng Unang Pagbasa na mahahayag ang mga gawa ng Panginoong Diyos (Isaias 60, 6). Ang mga gawa ng Panginoon na tunay ngang kahanga-hanga ay masasaksihan ng bawat tao sa daigdig. Ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos ay mahahayag sa pamamagitan ng Kanyang liwanag na magniningning sa Herusalem. Ito ay isa lamang patunay na ang mga makakasaksi sa mga kahanga-hangang gawang ito ay hindi lamang mga taga-Israel o taga-Herusalem. Bagkus, iba't ibang tao mula sa bawat sulok ng daigdig ay makakasaksi nito. Ipapakilala ng Diyos ang Kanyang sarili sa lahat sa pamamagitan nito. 

Tinalakay ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa ang kagandahang-loob ng Diyos. Sabi ni Apostol San Pablo na ito ang dahilan kung bakit siya'y naging misyonero sa mga Kristiyano sa Efeso (Efeso 3, 2-3a). Sabi pa niya sa huling bahagi ng kanyang pangaral na ang dahilan kung bakit sila at iba pang mga Hentil ay bahagi ng iisang katawan at kahati sa mga pangako ng Diyos ay ang Kanyang kagandahang-loob na nahayag sa lahat ng tao sa buong mundo sa pamamagitan ni Kristo (Efeso 3, 6). Naranasan ng tatlong pantas sa Ebanghelyo ang kagandahang-loob ng Panginoong Diyos. Ang kagandahang-loob ng Diyos ang dahilan kung bakit ang tatlong pantas na nagmula pa sa silangan ay nakadalaw at nakasamba sa Banal na Sanggol na si Hesus. 

Ipinapaalala ng Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon sa atin na ang pagpapala ng Panginoon ay para sa lahat. Kung ang tatlong mago mula sa silangan ay pinahintulutan at niloob ng Diyos na makadalaw at makasamba sa Banal na Sanggol na si Hesus, ang bawat isa sa atin sa iba't ibang bahagi ng daigdig ay niloob rin Niyang makinabang sa Kanyang biyaya. Ang mga biyaya ng Panginoong Diyos ay para sa lahat. Iyan ay dahil sa Kanyang kagandahang-loob na nahayag sa pamamagitan ni Kristo. Ang Diyos ay naparito sa mundo sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo upang iligtas ang lahat ng tao. 



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento