19 Disyembre 2020
Misa de Gallo/Simbang Gabi - Ikaapat na Araw
Mga Hukom 13, 2-7. 24-25a/Salmo 70/Lucas 1, 5-25
Ang mga Pagbasa para sa Ikaapat na Araw ng Simbang Gabi ay tungkol sa paghahayag ng kalooban ng Diyos. Niloob ng Diyos na biyayaan ang dalawang magkabiyak na itinampok sa mga salaysay sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo. Biniyayaan ng Diyos ng isang anak ang dalawang magkabiyak na ito. Kahit na hindi sila nagkaroon ng anak sa loob ng mahabang panahon, niloob ng Diyos na sila'y magkaroon ng anak. Kahit na sila'y napakatanda na, binigyan pa rin sila ng isang anak mula sa Panginoong Diyos. Kahit mukhang huli na sa mata ng ibang tao, lalo na noong panahong iyon, biniyayaan pa rin sila ng anak.
Sa Unang Pagbasa, isinalaysay ang pagpapakita ng anghel ng Panginoon sa asawa ni Manoa. Ibinalita ng anghel sa asawa ni Manoa na siya'y magkakaroon ng anak. Binaggit rin ng anghel sa asawa ni Manoa na walang silang anak sa loob ng mahabang panahon (Hukom 13, 3). Subalit, sa kabila nito, ipinasiya ng Diyos na biyayaan ang magkabiyak na ito ng isang anak. Iyon ang dahilan kung bakit ang anghel ay nagpakita sa asawa ni Manoa. Ang anghel ay nagpakita sa kabiyak ni Manoa upang ibalita kung paanong ipapakita ng Diyos ang Kanyang pagpapala at awa sa magkabiyak na ito. Bibiyayaan sila ng isang anak. Siya'y walang iba kundi si Samson.
Isang pangyayaring tulad nito ang itinampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Isang anghel ng Panginoon ay nagpakita kay Zacarias na asawa ni Elisabet. Ang magkabiyak na ito'y napakatanda na at wala silang anak sa loob ng mahabang panahon. Ni isang anak ay wala sila. Subalit, hindi ito naging hadlang para sa Diyos. Hindi nagpaimpluwensiya ang Panginoong Diyos sa mga pananaw ng tao. Bagkus, itinuloy pa rin Niya ang Kanyang kalooban para sa magkabiyak na ito. Biniyayaan pa rin sila ng anak. Iyan ang magandang balita na inihatid ng anghel na si Gabriel kay Zacarias noong nagpakita siya sa loob ng templo. Ang magiging anak nina Zacarias at Elisabet ay walang iba kundi si San Juan Bautista, ang tagapaghanda ng daraanan ng Panginoon.
Kahit na napakatanda na sa mata ng karamihan sa kanilang kapanahunan ang dalawang mag-asawang ipinakilala sa mga Pagbasa para sa araw na ito, sila'y pinili pa rin ng Diyos upang maging mga magulang ng dalawang mahahalagang tao sa Bibliya. Si Manoa at ang kanyang asawa ay naging mga magulang ng Hukom na si Samson habang si Zacarias at Elisabet naman ay naging mga magulang ng tagapaghanda ng daraanan ni Kristo na si San Juan Bautista.
Tayong lahat ay pinaaalalahanan ng mga Pagbasa para sa araw na ito na ang awa at pagpapala ng Diyos ay tunay. Ang Diyos ay tunay ngang maawain at mapagpala. Huwag nating itong pagdudahan. Hindi ito dapat pagdudahan kailanman sapagkat hinding-hindi ito magbabago. Lumipas man ang maraming buwan o taon, hinding-hindi magbabago ang katotohanang ito tungkol sa Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento